

HEADLINES
Yumao na si Comm. Virgilio Garcillano ng “Hello Garci” scandal sa edad na 87

3/31/25, 4:21 AM
Ni Samantha Faith Flores
Pumanaw na sa edad na 87 si dating Commissioner Virgilio Garcillano ng Commission on Elections na naging kontrobersiyal sa “Hello Garci” scandal matapos ang 2004 national elections.
Namatay si Garcillano sa kanyang tahanan sa Baungon, Bukidnon noong gabi ng Sabado (Marso 29), ayon sa ulat ng GMA News.
Siya ay nagsilbi bilang opisyal ng Comelec noong panahon ng halalan ng 2004 kung saan nagkaroon ng malaking kontrobersiya hinggil sa umanong malawakang pandaraya sa presidential polls na pinanalunan noon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Nagsimula ang isyu nang may lumabas na recording mula sa umano’y ilegal na pagkaka-wiretap sa pag-uusap sa telepono na nagtataglay ng boses niya at ng isang babae na sinasabing si Arroyo.
Sa nasabing “Hello Garci” tapes, napag-usapan ang umano’y pagmamanipula ng resulta ng presidential elections noong 2004.
Bagamat umamin at humingi ng paumanhin si Arroyo na tumawag nga siya sa isang opisyal ng Comelec habang binibilang pa lamang ang mga boto, ikinaila naman niya na may ginawa siyang hindi naaayon sa batas.
Kapwa pinabulaanan nina Arroyo at Garcillano ang akusasyong mandaraya sila sa bilangan.
Tinalo ni Arroyo ang sikat na aktor na si Fernando Poe Jr. at Senador Panfilo Lacson matapos na makakuha siya ng 12.9 milyon boto.
Matapos humupa ang kontroberisya na inimbestigahan pa sa Kongreso, hindi na nagpakita sa publiko si Garcillano hanggang sa tumakbo siya bilang kongresista ng Bukidnon noong 2007. Hindi siya nagwagi at inilaan na lamang niya ang kanyang panahon sa agrikultura at pagtulong sa komunidad.