top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

HEADLINES

Babala ng MTRCB sa mga PUV: Bawal ang bastos, karahasan na palabas

4/14/25, 11:05 AM

Dahil inaasahan ang pagdagsa ng mga bibiyahe ngayong Semana Santa, nagbabala ang Movie and Television Review Classification Board (MTRCB) sa mga operators at drivers ng pampublikong sasakyan o public utility vehicles kung ano lamang ang puwedeng ipalabas para sa mga pasahero.

Sa isang pahayag, sinabi ng MTRCB na tanging mga palabas na may “G” o General Patronage at “PG” may Patnubay at Gabay ng Magulang ang puwedeng ipalabas sa mga telebisyon o video ng anumang PUV nasa biyahe.

Batay sa MTRCB Memorandum Circular No. 03-2024, kinikilala bilang common carriers o isang sinehan na rin ang mga PUV dahil nagpapalabas sila ng mga pelikula na sakop ng MTRCB.

Ang sirkular ay nakabase sa Chapter III Section 2 ng Presidential Decree No. 1986, dahil sa karakter at aksesibilidad ng mga PUV anuman ang edad, “tanging G o PG lang ang pwedeng ipalabas sa mga common carriers at pampublikong lugar.”

Ito ay para matiyak na ang mga pelikula ay angkop para sa lahat ng biyahero at hindi magkakaroon ng negatibong epekto sa mga bata na bumabyahe kasama ang kanilang pamilya.

“Kasama po sa aming mandato na matiyak na ang lahat ng palabas sa loob ng pampublikong transportasyon ay ligtas para sa lahat ng pasahero, lalo na sa mga batang mananakay,” sabi ni Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio.



Binigyang-diin din ni Sotto-Antonio na ang hakbang ay parte ng mas malawak na responsibilidad ng Ahensya na masiguro ang ligtas na byahe ng bawat pamilyang Pilipino.

Hinihikayat din ng Board ang mga pasahero na isumbong sa MTRCB ang mga makikitang lumalabag sa naturang polisiya. Maaaring ireport sa pamamagitan ng opisyal na social media channels ng MTRCB (@MTRCBGov) at email: complaints@mtrcb.gov.ph.

Ang mga pasaway ay parurusahan batay sa Presidential Decree No. 1986 at Chapter XIII ng 2004 Revised Implementing Rules and Regulations.

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page