

HEADLINES
Disqualification cases inihain laban sa lahat ng kandidatong Tulfo

2/18/25, 9:50 AM
Ni Samantha Faith Flores
Hiniling ng isang abogado sa Commission on Elections ang pag-disqualify kina ACT_CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo, broadcast commentator Ben Tulfo at tatlong malalapit na kaanak nila sa pagtakbo sa darating na halalan dahil sa pagtatayo ng political dynasty.
Nagbigay naman agad ng reaksyon si Senador Raffy Tulfo sa kasong isinampa sa mga kapatid at sinabing bahala na ang mga botante mag-desisyon kung dapat o hindi sila iboto.
“I’ll leave it up to the people. Kasi kung gusto ka ng tao, iboboto ka nila. Kung ayaw ka nila, maiisip nila ay dynasty ito. Ang dami naman, walang ginagawa,” pahayag ng senador.
Sa petition for disqualification na inihain ni abogado Virgilio Garcia, hiniling din nito na tanggalin sa list of candidates sina ACT CIS Partylist Rep. Jocelyn Tulfo; Quezon City 2nd District Rep. Ralph Wendel Tulfo at Turismo Partylist first nominee Wanda-Tulfo Teo.
Sina Erwin, Ben at Wanda ay pawang mga kapatid ni Sen. Tulfo. Asawa naman niya si Rep. Jocelyn at anak si Rep. Ralph Wendel.
Sa kanyang petisyon, ipinaliwanag ni Garcia na ang limang kandidato ay magkakamag-anak ng hindi lalagpas sa second civil degree of consanguinity o affinity was bawat isa.
Ipinaliwanag niya nag ganoon din ang relasyon ni Sen. Raffy sa kanila.
Ayon kay Garcia, ipinagbabawal ng 1987 Constitution ang “anomalous monopolistic concentration of political power in one family.”
“It is a new provision in the Constitution that is envisioned to bring about reforms in a worsening ;political situation where the prohibition against political dynasty is a means to an end - to guarantee equal access to opportunities for public service,” sinabi niya.
Bukod sa pagiging kasapi sa political dynasty ang mga Tulfo umano ay hinihinalang may ibang mga citizenship dahil sa sila ay matagal na nanirahan sa Estados Unidos.
Dati nang isyu ito laban kay Rep. Erwin ngunit hindi umano nagkakaroon ng resolusyon sapagkat nawawalan ng interes ang mga nagrereklamo upang ituloy ang demanda laban sa kanya.