

HEADLINES
Green card hindi lisensya upang manatili sa US - Ambassador Romualdez
.webp)
3/29/25, 3:55 AM
Hindi lisensya ang green card na manatili ng kahit gaano katagal sa Estados Unidos ang isang Filipino o hindi American citizen.
Ito ang nilinaw ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez sa mga Pinoy na green card holders sa nasabing bansa.
Ayon kay Romualdez dapat malaman ng mga Filiipino na ang green card ay isa lamang pribilehiyo at hindi isang karapatan. Maari itong bawiin ng gobyerno ng Amerika sa mga kadahilanan inaakala nilang higit na makabubuti sa kanilang bansa.
Ipinaliwanag ni Romualdez na bagamat ang green card holder ay maaaring manatili sa Amerika ng halos permanente, hindi pa rin ito American citizenship na nagtataglay ng mga karapatan at pribilehiyo na bigay sa mga Amerikano.
Naging usap-usapan ang isyu ng greencard matapos na hulihin at idetine ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE) si Lewelyn Dixon, isang Filipino green card holder na naninirahan sa Amerika sa loob na ng 50 taon.
Si Dixon ay dinakip sa Seattle airport noong Pebrero pagkababa niya ng eroplano na kanyang sinakyan mula sa Pilipinas.
Bagamat kwalipikado naman si Dixon na kumuha ng American citizenship hindi niya umano ginawa ito bilang pagtalima sa kagustuhan ng ama na nais mapanatili ang mga karapatan ng anak bilang Pilipino, higit sa lahat ang pagma-may-ari ng mga real estate properties sa Pilipinas.
Hindi pa malinaw ang dahilang ng pagdakip kay Dixon, naniniwala ang karamihan na ito ay sanhi ng panggigipit ng Trump administration sa mga non-aAmericans na naninirahan sa kanyang bansa.
Si Dixon ay nakasuhan at nahatulan ng pagdispalko sa bangkong kanyang pinapasukan may 24 taon na nakaraan. Pinagdusahan na niya ang kanyang umanong ginawa.
Kinumpirma ni Romualdez ang pag-detine kay Dixon. Naniniwala rin siyang ang nasabing kaso ang naging dahilan ng pagdakip sa kanya.