

HEADLINES
Kilalanin: Sino-sino ang Generation Beta

1/3/25, 7:55 AM
Sa pagsalubong natin sa 2025, sinasalubong din natin ang bagong henerasyon ng kabataan.
Ang grupong ito na ipinanganak ngayong 2025, na inaasahang aabot sa 2.1 bilyong tao, ay kikilalaning Generation Beta. Sila ang inaasahang magiging ikalawang pinakamalaking henerasyon kasunod ng Generation Alpha na sumasaklaw sa mga ipinanganak mula 2010 hanggang 2024, ayon sa Australian research group McCrindle.
Narito ang listahan ng mga henerasyon mula sa USA Today:
- Greatest Generation: 1901-1927
- Silent Generation: 1928-1945 (edad 80 pataas)
- Baby Boomers: 1946-1964 (edad 61-79)
- Generation X: 1965-1979 (edad 46-60)
- Millennials: 1980-1994 (edad 31-45)
- Generation Z: 1995-2009 (edad 16-30)
- Gen Alpha: 2010-2024 (edad 15 pababa)
Mahalaga ang papel ng generative AI sa paghubog sa pagkakakilanlan at social development ng Generation Beta. Mabubuhay sila sa panahong ganap nang naka-integrate ang artificial intelligence at automation sa healthcare, edukasyon, at iba pang-araw-araw na buhay.
Dahil dito, inaasahang magiging prayoridad ng mga magulang ng Generation Beta ang paglimita sa kanilang screen time. Nasa 36% ng Gen Z parents ang magiging prayoridad ito, kumpara sa 30% lamang ng mga magulang na Millennial, ayon sa McCrindle.
Bukod dito, haharap ang Generation Beta sa malalaking hamon ng lipunan tulad ng climate change.
Kaya malamang na bibigyan nila ng prayoridad ang sustainability habang hinaharap ang matinding pagbabago sa klima, paglobo ng populasyon, at mabilis na urbanisasyon.
Ang mga alalahaning pang-ekonomiya at pangkapaligiran ay inaasahang magkakaroon ng malaking impluwensya sa pagpapalaki ng mga batang Gen Beta sa ilalim ng gabay ng mga magulang na Gen Z at mas batang Millennial. Ang mga magulang na ito ay malamang na magtuturo sa bagong henerasyon ng maingat na paggamit ng likas-yaman.
Dagdag pa ng McCrindle, magiging mas globally-minded, community-driven, at collaborative ang Gen Beta kumpara sa mga naunang henerasyon.