HEADLINES
Maybahay ni Sen. Robin nag-gluta drip sa Senado, kinastigo ng netizens
2/23/24, 7:55 AM
Nakatikim ng kastigo mula sa mga netizens at kilalang doctor ang TV host-actress na si Mariel Rodriguez-Padilla nang ginawa umano niyang dermatological o beauty clinic ang tanggapan ng asawang si Senador Robin Padilla,.
Sa kanyang Instagram post, ipinakitang nag-intravenous drip si Mrs. Padilla sa harap mismo ng kanyang asawa na nakaupo sa kanyang tanggapan sa Senado.
Tila ipinakita ng dating TV host na maaaring mag-IV ang mga tao kahit saan. Ayon naman sa iba nagmukhang nag-eendorso siya ng “Drip in Luxe”.
Tinanggal na ni Mrs. Padilla ang Instagram post matapos na makaranas ng mabibigat na batikos dahil umano sa ipinakitang kawalan ng respeto sa opisina ng Senado.
“What’s happening to our country? WE have gone this low if true,” sinabi ni Dr. Tony Leachon sa kanyang X (dating Twitter) post.
Dagdag ni Leachon: “Promotion of unproven FDA drug by media personality. Indiscriminate use of Philippine @senatePH logo.”
Bago ito, nagbabala si Health Secretary Teodoro Herbosa na illegal at hindi pa aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang patututrok ng IV glutathione.
Bagamat hindi pa aprubado ng FDA, ang IV glutathione ay sumikat na at ginagamit ngayon ng napakaraming taong nais mappaputi ng balat.