

HEADLINES
Maynila, handang-handa nang mangalaga sa 2.3-milyong deboto sa Traslacion 2024

1/7/24, 3:25 PM
Pinakamataas na antas ng paghahanda ang sasalubong sa tinatayang 2.3 milyong deboto na dadalo sa kapistahan ng Itim na Nazareno sa darating na Martes (Enero 9).
Ito ang siniguro nina Mayor Honey Lacuna Pangan, Police Major Gen,. Jose Melencio C. Nartatez Jr. at Col. Arnold Thomas Ibay na dumalo sa Send-off ceremony para sa 15,276 na police personnel na mangangalaga ng kaayusan at seguridad sa Traslacion 2024.
Nagbigay naman ng abiso ang PAGASA na maghanda rin ang mga dadalo sa prusisyon, Misa at iba pang mga aktibidad sapagkat maaaring umambon o magkaroon ng mahinang pag-ulan.
Pinayuhan din ng Philippine Red Cross ang mga deboto at iba pang mga dadalo sa pinakamalaking taunang religious event sa bansa na magdala ng mga identification cards upang makatulong sa pagkakakilanlan ng sinumang maaaring humarap sa sitwasyong emergency.
Sinabi ni PRC Secretary General Gwendolyn Pang na makabubuti rin na huwag dumalong mag-isa ang sinuman.
Magtatalaga ng 600 volunteers at staff ang PRC para tugunan ang mga medical emergency. Bukod dito 17 ambulansya ang ipu-pwesto na sa mga lugar na matatao habang 21 pang units ng ambulansya ang nasa standby.
Mahigpit ang seguridad na ipatutupad ng pulisya upang masawata ang anumang krimen o terrorist activity na maaaring mangyari.
Magkakaroon ng “No Fly Zone” at “No Drone Zone sa may Quirino Grandstand at Quiapo Church, kasama ang ruta ng prusisyon mula Enero 7 hanggang Enery 10.
Itataas din ang “No Sail Zone” sa Manila Bay sa bandang South Harbor at Pasig River mula 12 ng umaga noong SAbado hanggang 12 ng tanhali sa Miyerkules.
Pinaalalahanan naman ni Mayor Lacuna ang lahat na ipaiiral ang gun ban, liquor ban at firecracker ban sa loob ng mga panahong ginaganap ang mga religious activities.
Ayon sa alkalde mamimigay rin ng face mask ang pamahalaang lungsod para sa mga taong papasok sa Quiapo church upang magsimba.
Halos 1,000 first aid at medical personnel ang ipadadala ng lungsod upang tumulong sa anumang medical emergency. Bukod dito 46 ambulansya ang itatalaga sa matataong lugar.
Ngayong taon lamang mauulit ang Traslacion na hindi naganap ng tatlong taon dahil sa pandemic.