

HEADLINES
Mga influencers, vloggers ipina-subpoena ng Kamara

2/18/25, 10:20 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
Nagpalabas ng subpoena ang Tri-Committee ng Mababang Kapulungan laban sa mga social media influencers at vloggers na patuloy na hindi sumisipot sa mga pagdinig ng legislative investigation sa umanoy pagdagsa ng mga fake news sa internet.
Sa ginanap na hearing nitong Martes (Peb. 18), napagpasiyahan ng mga kongresistang kasapi sa Tri-Comm na magpalabas ng subpoena matapos na maghain ng mosyon si Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen Paduano.
Napansin ni Paduano na marami pa rin sa mga inimbitahan resource speakers ang hindi nagpakita sa pagdinig. Pare-pareho rin umano ang idinahilan ng mga ito kung bakit sila hindi makakasipot sa hearing.
Kanya-kanya man ang sulat na pinadala ng mga resource persons, pare-pareho naman ang idinadahilan nila sa hindi pagsipot. Ito ay ang petition for certiorari na inihain nila sa Korte Suprema.
Tinuligsa ng mga vloggers ang pagsasagawa ng pagdinig at pamimilit umano sa kanila upang magbigay ng pahayag sa harap ng Tri-Com. Ayon sa kanila ang pagpipilit ay labag sa kanilang mga constitutional rights.
Sa hearing, muling hindi nagpakita sina dating Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, Krizette Laureta Chu ng Manila Bulletin, Sass Rogando Sasot, Mark Anthony Lopez, Lorraine Marie Badoy-Partosa, Jeffrey Almendras Celiz or Eric Celis, Dr. Richard Mata, Ethel Pineda Garica, Joie De Vivre (Elizabeth Joi Cru) Aaron Peña at Mary Jean Reyes.
Sa mungkahing sinusugan ng Tri-Comm, sinabi ni Paduano na bukod sa subpoena, dapat din ipadalang muli sa mga vloggers and “unserved show cause orders”.
Ang pagpapadala ng mga subpoena ay gagawin ng may koordinasyon sa Philippine National Police.
Ang mga mosyon ni Paduano ay inaprubahan agad ni Antipolo City Rep. Romeo Acop matapos na ito ay susugan at hindi na sinalungat ng sinuman sa dumalo sa hearing.