top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

HEADLINES

Pilipinas lubog sa baha: BBM dapat magpaliwanag sa PHP244-B flood control projects

10/25/24, 7:15 AM

Matapos ang malawakang pinsala dahil sa pagbayo ng bagyong Kristine, sinita ni Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung ano ang nangyari sa higit sa 5,500 flood control projects na ipinagmalaki ng administrasyon na natapos na.

Umabot sa PHP244 bilyon ang inilabas ng pamahalaan para sa mga proyekto na wala naman nagawa upang masawata ang paglubog sa baha ng malawak na lugar sa Pilipinas.

“Sa kabila ng ipinagyayabang ni Marcos na higit sa 5,500 flood control projects na nagkakahalaga ng Php244 bilyon, patuloy pa rin ang mga pagbaha na naglagay sa panganib at sumira sa kabuhayan ng milyon-milyon nating kababayan,” pahayag ni Brosas, isang assistant minority leader sa Mababang Kapulungan.

Dagdag niya: “Kailangan nating tanungin: Nasaan napunta ang pondo ng mga proyektong ito?”=

Ayon kay Brosas, ang sunod-sunod na kalamidad tulad ng bagyong Carina at Kristine ay nagsiwalat ng kakulangan at kapabayaan ng pamahalaan sa disaster risk reduction at flood control measures.

Ang mga flood control projects na umanoy natapos na ay ipinagyabang umano ni Marcos sa Asia Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction na inilunsad sa PIlipinas noong Oktubre 14-18.

Sa nasabing kumbensyon, ipinagmalaki ni Marcos na “resilient” ang bansa sa harap ng mga kalamidad.

“Nakakahiya na inaatupag pa ni Marcos ang pagpapabango ng kanyang imahe sa international community habang lantad na lantad ang kapabayaan niya, na humantong sa pagkamatay ng mga tao at pagkasira ng ari-arian at kabuhayan,” giit ni Brosas.

Nanawagan din si Brosas para sa isang malalimang imbestigasyon kaugnay ng kapabayaan at alegasyon ng korapsyon sa mga flood control projects, disaster risk reduction at climate change adaptation programs.

Dagdag pa rito, dapat ding singilin si Marcos Jr. at mga lokal na dinastiya na nagpapahintulot ng mga proyektong sumisira sa kalikasan tulad ng quarrying, logging at mining operations.

“Wala nang pinakamabisang flood control project kundi ang pangangalaga sa ating kalikasan. Dapat mapanagot si Marcos Jr. at lahat ng nagpahintulot sa walang patumanggang pagwasak ng kalikasan,” ani Brosas.

Bukod dito, iginiit ni Brosas ang patuloy na paglulunsad ng rescue operations para mailigtas ang mga pamilyang na-trap sa kanilang mga tahanan.

Photo from philnews.ph

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page