

HEADLINES
Pinoy girl group BINI pasok sa 12 rising girl groups list ng Grammy

10/7/24, 5:25 AM
Kabilang ang P-pop girl group na BINI sa listahan ng "12 Rising Girl Groups To Know Now" ng Grammy, prestihiyosong award-giving body.
Sa inilabas na listahan ng Grammy sa website nito, kinilala ang BINI bilang nangungunang Pinoy girl group na nagpapalago ng local music.
"Amid K-pop's global domination, Filipino pop — commonly known as Pinoy pop, or simply 'P-pop' — is becoming one of the fastest-growing music markets. Leading the revolution are the eight women of BINI: Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoannna and Sheena," saad ng Grammy.
Itinampok din nito ang tagumpay ng BINI bilang kauna-unahang Filipino act na nakapasok sa Top Artist Global Chart ng music streaming platform na Spotify.
Ipinunto rin ng Grammy na nakapagtanghal na ang girl group sa bantog na KCON festival.
"It's no surprise they've been dubbed the 'Nation's Girl Group,'" dagdag pa nito.
Sa panayam sa ABS-CBN, ikinatuwa ng BINI members ang pagkilalang ito at sinabing lalo nilang pagbubutihan ang paggawa ng musika.
"We feel proud to represent the Philippines. Proud moment po for all Filipinos. Grammy 'yan eh," ayon kay BINI leader Jhoanna.
"We are thankful and grateful. Grabe suporta ng Pilipinas papakita namin sa buong mundo talents namin," dagdag naman ni BINI Maloi.