

TRUTH VERIFIER
12 pribadong paaralan iniimbestigahan dahil sa umano'y 'ghost' students

Photo from cgdev.org
2/18/25, 5:22 AM
Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) nitong Lunes na nagsimula na ang imbestigasyon sa 12 pribadong paaralan dahil sa umano’y paglista ng “ghost students” upang makatanggap ng subsidiya mula sa Senior High School Voucher Program (SHS VP).
Inihayag din ng DepEd na nagsasagawa ito ng masusing imbestigasyon sa mga tauhan at opisyal na maaaring sangkot sa anomalya.
“We take these allegations seriously,” ani DepEd Secretary Sonny Angara.
“Any form of misuse of public funds intended for critical education programs will not be tolerated,” dagdag niya.
Ang incoming Grade 11 at Grade 12 students na nakapagtapos ng elementarya sa public schools ay nakakatanggap ng voucher na nagkakahalaga ng P14,000 hanggang P22,500 kung mag-aaral sila ng hayskul sa pampribadong paaralan.
Paraan ito ng pamahalaan upang suportahan ng operasyon ng mga pribadong institusyon sa gitna ng pagbaba ng kanilang enrollees noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic.
“Kailangan ang imbestigasyong ito upang malaman ang katotohanan at mapanagot ang mga may sala,” dagdag pa ni Angara.
Maaaring matanggal sa listahan ng eligible institutions para sa SHS VP ang pribadong paaralan na mapapatunayang sangkot sa anomalya.
Pwede rin silang matanggalan ng akreditasyon mula sa DepEd, ayon sa ahensya.
Tiniyak naman ng DepEd sa publiko na bibigyan nito ng kinakailangang suporta ang mga lehitimong estudyanteng apektado upang matiyak na magpapatuloy ang kanilang edukasyon.
Hinikayat din nito ang publiko na mag-ulat ng anumang iregularidad na may kinalaman sa pagpapatupad ng mga programa nito sa pamamagitan ng pagpapadala ng email sa walangkorapsyon@deped.gov.ph. #