TRUTH VERIFIER
Babae nabiktima ng prank wedding, naghabol sa korte
1/27/25, 10:47 AM
Isang babae ang nag-file ng annulment sa family court sa Australia matapos matuklasang totoo pala ang kasalang inakala niyang prank lamang para sa social media.
Ayon sa ulat ng The Guardian, pinawalang-bisa ng korte ang December 2023 wedding ng babae at lalaking nakilala niya sa dating app.
Kwento ng babae, nakilala niya ang lalaki noong Setyembre 2023.
Matapos ang tatlong buwan, inimbitahan ng lalaki ang babae sa isang "white party" sa Sydney at nagbiling magsuot siya ng puting damit.
Pagdating niya sa venue, laking gulat ng babae nang makitang siya lang ang nakasuot ng puti at may wedding officiant pa roon.
Sinabi umano ng lalaki na isang prank wedding ito para dumami ang kanyang Instagram followers at hiniling siyang gumanap bilang bride.
Dalawang buwan matapos ang kasal, sinabi ng lalaki na ilalagay siya nito bilang dependent sa permanent residency application sa Australia.
Dito natuklasan ng babae na tunay ang kanilang kasal dahil nagsumite ang lalaki ng notice of intended marriage gamit ang pekeng pirma niya bago pa ang seremonya.
Nagdesisyon ang korte na paboran ang babae kahit pa iginiit ng groom na pumayag silang dalawa sa kasal. Nag-propose pa raw siya sa babae isang araw bago ang seremonya.
Depensa naman ng babae, wala sa kanilang immediate family members ang dumalo sa kasal hindi raw siya magpapakasal nang walang pahintulot at presensya ng kanyang mga magulang.
Hindi rin daw siya papayag na hindi napaghandaan ang kanyang bridal gown at wedding reception lalo pa't nagmula siya sa isang relihiyosong pamilya.
Dagdag niya, hindi rin daw sila tumira sa iisang bahay ng lalaki matapos ang seremonya.
Sa huli, nagdesisyon ang family court na ipawalang-bisa ang kasal. #