TRUTH VERIFIER
Videos tungkol sa pagbitiw ni Pope Francis, paghalili ni Cardinal Tagle malaking kabulastugan lamang
Photo feom abante.com.ph
1/18/25, 12:37 PM
Ni Samantha Faith Flores
Kabulastugan at panloloko lamang ang dalawang YouTube at dalawang Facebook posts na nagsasabing nagbitiw na bilang lider ng mga Katoliko si Pope Francis at si Cardinal Luis Antonio Tagle ang kanyang pinili bilang kahalili.
Bagamat pamilyar na ang mga mananampalatayang Katoliko sa proseso ng pagpili ng papalit sa namatay o nag-resign na Papa, nakapagtatakang marami pa rin ang sumakay sa panloloko ng hindi pa nakikilalang nanlinlang.
Sa isang video na ipinalabas noong Enero 11, ito ang isinulat na pamagat: “Pope Francis resigns: Cardinal Luis Tagle to Become the New Pope: History rewritten”
Wala ni isang balita tungkol dito ang matatagpuan sa mga official websites ng Catholic church at Vatican City.
Ngunit ang napabalita kailan lamang ay gasgas na natamo ni Pope Francis nang siya ay madapat kailan lamang.
Nakita sa publiko na naka-sling ang papa sa kanang kamay dahil sa gasgas.
Ito na ang pangalawang pagkahulog ng 88-anyos na Papa sa nakaraang dalawang linggo.
“This morning, due to a fall at the Sta. Marta house, Pope Francis suffered a contusion on his right forearm, without fractures. The arm was immobilized as a precautionary measure,”ayon sa isang pahayag ng Vatican City.
Wala kahit isang pahayag ang official website ng Holy See tungkol sa umanoy pagbitiw ng Papa.
Sa halip, ipinakikita pa rin ng Vatican media ang mga naging aktibidad ni Pope Francis sa loob ng mga nakaraang araw.
Si Tagle ay kilalang malapit kay Pope Francis ngunit hindi nangangahulugang siya lamang ang pipiliin na kahalili ng Catholic leader sakaling ito ay bumaba sa puwesto sa anumang mabigat na dahilan.
Hindi hinihirang o appointed ang papa at hindi namamana ang puwesto na katulad ng ibang mga relihiyon, kasama ang Iglesia ni Cristo.
Wala pa ring ipinagbabago ang paraan ng pagpili ng susunod sa Papa na ginagawa sa pamamagitan ng paghalal ng isa sa maraming kasapi ng College of Cardinals.
Sakaling sa darating na hinaharap ay mahalal si Tagle, siya na ang unang Filipino at Asyano na makakasungkit sa puwesto ng pagka-Papa.
Sa kanyang pahayag matapos na sumailalim sa operasyon noong 2021 dahil sa diverticulitis, idiniin ni Pope Francis na kahit sa kanyang kondisyon, hindi sumagi sa isipan niya ang mag-resign.
“The reality is that even during the days of surgery I never thought of resigning,” sinabi ni Pope Francis.