

LAW AND ORDER
Mga supling ng foreign POGO workers tinutulungan ng PAOCC
%20(5).jpeg)
2/15/25, 7:39 AM
Ni Tracy Cabrera
INTRAMUROS, Maynila — Umapela ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa mga local government unit (LGU), mula sa mga namumunong mga alkalde hanggang sa mga opisyal ng barangay, na makipagtulungan sa mga awtoridad para matunton ang mga dayuhang trabahador ng pinagbawal nang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na nanatiling nasa Pilipinas pa.
Reaksyon ito sa komentaryo ni Senador Rafael 'Raffy' Tulfo nang aminin ni Bureau of Immigration (BI) Legal Division chief Arvin Cesar Santos sa pagdinig sa Senado na 10 porsyento lang sa 30,144 foreign POGO worker, o 3,024 na indibiduwal, ang nagawang ma-deport makaraan ang deadline na itinakda ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. para mapatigil at mapasara ang mga POGO sa bansa.
Sa nakalipas na ilang araw, nakatanggap umano ang PAOCC ng mga ulat mula sa Pasay City, Makati, Parañaque, Las Piñas at iba pang lugar ukol sa naiwang mga dayuhan na hanggang ngayon ay hindi pa umaalis at bumalik sa kani-kanilang bansa.
Ayon kay PAOCC spokesperson Dr. Winston Casio, maraming mga dayuhang POGO worker ang nagpasyang manatili sa bansa dahil nagkaroon sila ng mga supling sa mga Filipinang naka-rekasyon nila o napangasawa habang nagtatrabaho sila rito sa mga POGO hub sa iba'ibang lugar sa kapuluan.
Nilinaw ni Casio na kinakailangang matunton ang mga ito dahil sa aspeto ng ligal, lumilitaw na paso na ang kanilang visa para magtrabaho at manatili sa Pilipinas.
Gayun man, sinabi rin ng tagapagsalita ng PAOCC na tinutulungan na ng kanyang ahensya ang mga nagkaroon ng supling mula sa mga dayuhan na ang karamihan ay mga Chinese national.