

LAW AND ORDER
Pagtago: Opsyon ni Sen. Bato sakaling ipadakip ng ICC

3/19/25, 7:57 AM
Ni Samantha Faith Flores
Inamin ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa nitong Miyerkules (Marso 19) na ang pagtatago mula sa mga nais umaresto sa kanya ay isa sa mga pinagiisipan niyang gawin sa oras na ipalabas ng International Criminal Court ang warrant of arrest laban sa kanya.
Sa panayam niya sa mga Senate reporters sa pamamagitan ng phone patch, hindi nag-atubili si Dela Rosa na dating hepe ng Philippine National Police na iiwasan niyang sapitin ang nangyaring pagdakip kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang dalawa, kasama ng iba pang mga dating opisyal noong panahon ni Duterte, ay nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay sa pagpaslang sa tinatayang 20,000 katao matapos na ilunsad ng dating pangulo ang war on drugs.
Opsyon din para kay Dela Rosa ang paghingi ng proteksyon mula sa Senado na hindi naman daw ipagkakait ng liderato ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Ayon sa senador, ang isa pang course of action niya ay ang pagsampa ng petisyon sa Korte Suprema tulad nang kasong naisumite na dito kaugnay sa pagkulong kay Duterte sa The Hague.
“That is one of the things we are considering. That is included in the possible courses of action we can take,” sagot ni Duterte nang tanungin kung iniisip niyang magtago.
“If we can’t find justice in our own country, why would you surrender, right?” paliwanag niya.
Ngunit buo naman ang loob niyang hindi na lumaban sa mga awtoridad sakaling makubkob siya ng mga ito.
“How will you fight against the Philippine National Police? I know the power, the might of the PNP because I’ve been the chief o the PNP, Iknow how to do it. So why fight? It’s useless if you fight back.” ayon sa mambabatas.