Driver ng Grab balik-trabaho matapos mapatunayang inosente sa sexual harassment
1/28/25, 4:24 AM
Pinawalang-sala ng Grab Philippines ang isang driver na inakusahan ng pasahero ng malaswang gawain sa isang viral Facebook post.
Sa pahayag na inilabas nitong Lunes, sinabi ng ride-hailing company na nagsagawa sila ng imbestigasyon gamit ang Audio Protect, isa sa mga feature ng Grab app, at napatunayang walang ginawang mali ang driver.
"After a comprehensive review of Audio Protect recording from the trip, the driver-partner’s profile, and performance history, we found no conclusive evidence to support the allegations or indicate any malicious intent," saad ng Grab Philippines sa isang pahayag.
Ang Audio Protect ay isang feature ng app na nagre-record ng audio sa isang biyahe. Itinatago nito ang data sa telepono ng pasahero at driver, at hindi ito naa-access ng Grab maliban kung kinakailangan sa mga insidente tulad nito.
Tinatanggal ang mga recording na ito mula sa mga telepono matapos ang ilang oras upang hindi ma-access ang sensitibong datos ng kahit sino.
Ang feature na ito ay idinagdag noong Kapaskuhan bilang karagdagang proteksyon para sa parehong driver at pasahero.
Ayon pa sa Grab, hiwalay nilang kinausap ang pamilya ng pasahero at driver upang talakayin ang imbestigasyon.
Inanunsyo din ng kumpanya makababalik-trabaho ang driver at bibigyan siya ng kompensasyon para sa nawalang kita sa gitna ng suspension na ipinataw sa kanya.
"We understand the challenges faced by both passengers and driver-partners in such situations and remain committed to ensuring fairness and understanding," ayon sa pahayag ng Grab.
Isang viral na post mula sa pasahero ang kumalat sa social media kamakailan kung saan inakusahan niya ng malaswang gawain ang driver habang inihahatid umano siya at ang kanyang kapatid mula sa Saint Paul QC pauwi sa kanilang bahay.
Paliwanag naman ng driver, mayroon siyang problema sa kalusugan at isyu sa paghinga na maaaring naging sanhi ng hindi pagkakaunawaan. #