

SCIENCE AND MEDICINE
Anti-obesity medication puwede rin gamot sa alcholism?

2/17/25, 5:23 AM
Ni Samantha Faith Flores
Ang mga gamot na nirereseta ng mga doktor para sa obesity o sobrang taba ay maaari rin tumulong sa mga taong dumaranas ng alcoholism.
Ayon sa pag-aaral na pinondohan ng pamahalaan ng Estados Unidos maaaring magbawas sa pagkonsumo ng alak at mga nakalalasing na inumin ang Ozempic o Wegovy na mga gamot na gamit para sa mga obese.
Parehong may generic name na semaglutide, ang mga gamot na Ozempic at Wegovy ay mabibili sa Pilipinas ngunit kinakailangan ng reseta ng dalubhasa sa medisina para makakuha nito.
Ang semaglutide ay medikasyong ginagamit din sa paggamot ng diabetes.
Bagamat maliit lamang ang bilang ng mga tao na naisama sa research tungkol sa mga nagagawa ng semaglutide at dalawang buwan lamang ang inilaan sa pag-aaral, napag-alaman ng mga siyentipiko na hindi lamang pagkain ang pinipigilan ng Ozempic o Wegovy.
Ang pag-inom man ng alcohol at paninigarilyo ay napipigilan din ng mga ito.
Ngunit nagbabala ang mga gumawa ng pag-aaral na mula sa University of North Carolina school of medicine na hindi pa pinal ang kanilang konklusyon ukol sa nagagawa ng semaglutide.
Kinakailangan pa umanong magsagawa ng higit na malawak na pananaliksik upang mapatunayan mabuti ang unang natuklasan ng mga researchers.
Ang research ay pinondohan ng National Institute on Alcohol ABuse and Alcoholism na nasa ilalim ng National Institutes of Health (NIH) ng US government.