SCIENCE AND MEDICINE
Balladeer Michael Bolton, 70, nagpapagaling na matapos ang brain surgery
1/7/24, 5:15 AM
Ni MJ Blancaflor
Nagpapagaling na ang American singer na si Michael Bolton matapos dumaan sa operasyon kamakailan matapos may ma-detect na tumor sa kanyang utak.
Sa Instagram, ibinalita ni Bolton, 70, na kailangan niyang ikansela ang ilan niyang pagtatanghal matapos siyang makitaan ng brain tumor sa huling bahagi ng 2023.
Kaagad naman daw siyang inoperahan at ngayon ay nagpapagaling na. "Thanks to my incredible medical team, the surgery was a success," ani Bolton.
Nakatakda sanang mag-concert ang singer sa iba't ibang bahagi ng US mula Pebrero hanggang Marso bago magtanghal sa Europa.
"For the next couple of months, I will be devoting my time and energy to my recovery, which means I’ll have to take a temporary break from touring," sabi pa ng two-time Grammy winner.
Nalulungkot daw siya na nakansela ang kanyang mga pagtatanghal, subalit nagpapasalamat siya sa pag-unawa at suporta ng kanyang mga tagahanga.
"I am beyond grateful for all the love and support you have so generously shown me through the years. Know that I’m keeping your positive messages in my heart, and I’ll give you more updates as soon as I can," dagdag ni Bolton.
Sa kasalukuyan, wala pang karagdagang detalye kung kailan siya babalik sa entablado.
Kilala sa Bolton sa kanyang mga awitin tulad ng “How Am I Supposed To Live Without You,” "To Love Somebody," at “When A Man Loves A Woman.” #