SCIENCE AND MEDICINE
Dahil sa muntikang pagtanggal ng organo ng lalaking buhay pala, mga organ donors nagsiurungan
10/29/24, 9:28 AM
KENTUCKY Dahil sa napabalitang muntikang pagtanggal ng mga organo ng isang lalaking inakalang patay na, maraming mga organ donors ang bumawi ng kanilang rehistrasyon upang magbigay ng kanilang organo kapag namatay na sila.
Nagsimula ng imbestigasyon sa nangyari noong 2021 kay Anthony Thomas “TJ” Hoover II, 36, na nagising matapos na madeklarang brain dead at inihahanda na ang katawan para tanggalan ng mga organo.
Napansin ng mga kaanak na kumilos ang mga muscle ni TJ at tila nagbubukas ang mga mata kung kayat sinabi nila ang nasaksihan sa mga doktor ng ospital sa Kentucky.
Siniguro ng mga doktor ang pamilya na normal lamang ito sa taong brain dead na.
Ipinasok na sa operating room si TJ upang tanggalan ng mga kidney, cornea at iba pang maaaring mapakinabangan ng ibang taong nangangailangan nang mapansin na kumilos ito.
Dahil sa imbestigasyon nagbitiw sa katungkulan si Nyckoletta Martin, bilang isang organ preservationist ng Kentucky Organ Donor Affiliate (KODA).
“It was a big mess,” sabi ni Martin.
Ayon kay Dorrie Dils, pangulo ng Association of Organ Procurement Organizations, ang naging resulta ng balitang ito ay ang pagbagsak ng dami ng nais mag-abuloy ng kanilang mga organo sa sandaling ma-deklarang patay na sila.
Ipinaliwanag ni Dils na ang pagbibigay ng mga bahagi ng katawan ay nakasandal sa pagtitiwala ng publiko.
Sinabi niya na sa sandaling magkaroon ng pagdududa ang publiko, matagal na panahon pa ang dadaan upang mabawi ang pagtitiwalang nawala.
Lumabas ang balita tungkol kay Hoover noong 2021 sa isang pagdinig ng Kongreso kamakailan.
Naalala ni Donna Rhoher, kapatid ni TJ, na malaki ang kutob nilang buhay si Hoover sapagkat tinitigan siya nito na tila nais ipahiwattig na buhay pa siya.
Tuluyan nang nalamang buhay si TJ at itinigil ang pag-ani ng kanyang mga organs nang magising ito habang nagsasagawa ng cardiac catherization test ang mga doktor.
Sa test na ito malalaman kung malusog ang puso ni TJ upang ma-ilipat sa ibang tao.
Bagamat nagkaroon ng brain damage at kaunting problema sa memorya, buhay pa rin si Hoover.