

SCIENCE AND MEDICINE
Pinas may 9.5 million new smokers edad 10 pataas
.jpg)
1/22/25, 6:30 PM
Nakababahala ayon sa isang mambabatas na may humigit-kumulang 9.5 milyong bagong naninigarilyo edad 10 pataas sa bansa mula 2021 hanggang 2023.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means noong Miyerkules, sinabi ni committee chairman Senador Sherwin Gatchalian na batay sa pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ang nasabing datos.
Paliwanag niya, sinabi ng FNRI na naibaba na mula 18% sa 14% ang smoking prevalance mula 2015 hanggang 2021. Ang kaso, muli itong umakyat sa 18% noong 2023.
"This is a cause of concern because for many years, for almost six years we reduced smoke prevalence but in two years we're back to square one," saad niya.
Aniya, sa 9.5 milyong new smokers sa bansa, 6.4 milyon ang nagyoyosi habang 1.5 milyon naman ang gumagamit ng vape.
Kasabay naman ng pag-akyat ng bilang ng mga naninigarilyo ang pagbaba ng excise tax collection ng pamahalaan.
Nakalikom ang bansa ng P176 bilyon mula sa excise tax noong 2021 habang P134 bilyon lang ang nalikom noong 2023.
Ayon kay Dr. Maria Encarnita Limpin, director general ng Action on Smoking & Health Philippines, nakababahala ito lalo na't mas nagiging karaniwan sa mga kabataan ang paggamit ng vape o e-cigarettes.
"Instead of being able to regulate the use of vape, we ended up enticing the young into vaping, which eventually made them also go into smoking," ani Limpin.
"There are also in other countries, they have actually also shown that more than 50% of those who vaped are also smoking at the same time," dagdag niya.
Humigit-kumulang 117,000 Pilipino ang namatay noong 2017 dahil sa mga sakit na may kaugnayan sa paninigarilyo. Noong 2019, may 112,000 na namatay.
Iminungkahi ng organisasyon ang karagdagang pagtaas ng buwis sa tobacco products at itaas ang buwis sa mga electronic smoking device upang maging kapantay ng mga itinitindang sigarilyo. #