

SCIENCE AND MEDICINE
USAID ipagpapatuloy serbisyo vs TB, malaria, malnutrisyon—memo

2/10/25, 8:06 AM
Sa kabila ng utos ni Pangulong Donald Trump na pansamantalang ihinto ang foreign aid sa loob ng 90 araw, naglabas ang kanyang administrasyon ng isang memorandum na nagsasaad na dapat ipagpatuloy ang mga programang tinustusan ng Amerika upang labanan ang tuberculosis, malaria, matinding malnutrisyon, at ibang sakit.
Ayon sa isang memo na nakuha ng Reuters, kailangang ipagpatuloy o simulan muli ang mga gawaing nakapagliligtas ng buhay sa loob ng susunod na 30 araw upang maiwasan ang nalalapit na panganib sa buhay ng mga benepisyaryo ng USAID.
"These lifesaving activities must resume or continue in the next 30 days of the 90-day pause on foreign assistance to prevent imminent mortality among USAID beneficiaries," ayon sa memo.
Nakasaad din dito ang mga programang may kinalaman sa panganib sa buhay ng mga ina at bata, kabilang ang matinding malnutrisyon at iba pang seryosong sakit at kundisyon sa kalusugan.
Bukod pa rito, idiniin sa memo na dapat nang ipagpatuloy ang mga hakbang upang labanan ang pagkalat ng sakit tulad ng mpox, avian flu, at Ebola, pati na rin ang pandaigdigang suplay ng mga kagamitang pangkalusugan.
Ayon sa Reuters, may petsang Pebrero 4 ang memo at naaprubahan ito sa pamamagitan ng email noong Pebrero 6.
Sinabi ni Martin Edlund, CEO ng Washington-based global non-profit na Malaria No More, na mahalagang hakbang ang memo upang maipagpatuloy ang mga programa.
"Even short-term interruptions of malaria prevention and treatment lead to outbreaks and deaths," ani Edlund, batay sa ulat.
Samantala, isang hiwalay na memo na may petsang Pebrero 6 ang nagbigay ng karagdagang detalye sa waiver para sa United States President's Emergency Plan for AIDS Relief (PEPFAR).
Nakatala rito na ang pangangalaga, paggamot, at pag-iwas sa HIV transmission mula ina patungo sa anak ay dapat ipagpatuloy sa lalong madaling panahon.
Matatandaang ipinag-utos ni Trump ang pansamantalang pagpigil sa international aid habang isinasagawa ang isang 90-araw na pagsusuri matapos niyang makabalik sa White House. #