BALITANG SENIOR
102-anyos na pasyente pumanaw matapos maghintay ng 8 oras sa ambulansya
Photo courtesy of PA Media via BBC
1/27/25, 10:39 AM
Pumanaw ang isang 102-anyos na lalaki sa England dahil sa pagkakahulog at walong oras sa pagkaantala ng ambulansya.
Ayon sa ulat ng BBC, nahulog sa hagdan si Gordon Wedgwood na may dementia, chronic obstructive pulmonary disease, canser, at halos bulag noong 11:30 p.m. ng Pebrero 20, 2024.
Agad na tumawag sa emergency hotline ang kanyang mga kaanak upang mag-request ng ambulansya.
Nagkaroon pa ng follow-up call bandang alas-dos ng madaling-araw, ngunit sinabi ng call handler sa pamilya ni Gordon na abala sila sa ibang pasyente at maaaring matagal pa bago makarating ang ambulansya.
Dumating ang ambulansya sa bahay ni Gordon bandang 7:30 a.m., walong oras matapos ang unang tawag sa emergency hotline.
Matapos ang tatlong araw, inoperahan si Gordon sa kanyang fractured femur tatlong araw ngunit pumanaw din siya noong Pebrero 26.
Ayon sa inquest na isinagawa ngayong buwan, sinabi ng pamilya ni Gordon na hindi nila sinisi ang health services sa pagkaantala ng ambulansya.
Pagkatapos ng hearing, humingi ng paumanhin ang National Health Service (NHS) at ang South Western Ambulance Service NHS Foundation Trust sa pamilya ni Gordon.
Sinabi nilang hindi katanggap-tanggap ang pagkaantala ng serbisyo para kay Gordon.
Sa kanilang pahayag, sinabi nilang hindi nila nais na maranasan ng kanilang mga pasyente ang mga pagkaantala sa emergency care.
Ipinunto nilang sinisikap nila ang mabilis na tugon ng mga ospital at ambulansya sa mga taong nangangailangan ng agarang emergency care. #