

BALITANG SENIOR
Ali Mall gumaya sa Starbucks? Pay parking rates para sa senior citizens itinaas

2/18/25, 9:25 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
Isang taon matapos ulanin ng batikos ang sikat na Starbucks, ang Ali Mall na isa sa mga kauna-unahang shopping mall sa bansa naman ang nagiging tampulan ng kontrobersiya.
Ito ay matapos na magdesisyon ang pangasiwaan ng shopping center sa Cubao, Quezon City na itaas ang halaga ng parking rates para lamang sa mga senior citizens.
Hindi umano makatarungan para sa mga nakatatandang motorista ang pagtataas ng bayad para sa pagparada ng sasakyan sa multi-level parking ng mall.
Ayon sa mga seniors sa siyudad, dapat ipaliwanag ng mall management sa publiko kung bakit higit na mataas ang singil nila sa mga senior citizens kumpara sa ibinabayad ng mga nakababatang gumagamit ng parking space sa mall.
Bagamat parehong PhP60 sa unang tatlong oras ang singil sa senior citizens at mas batang nagmamaneho, ang mga nakatatanda ay dapat magbayad ng PHP20 sa bawat oras na lagpas sa basic na tatlong oras na pagparada.
Subalit PHP10 lamang ang ipinababayad sa mga non-seniors, mababa ng PHP10 sa mga seniors.
Kumbinsido ang marami sa mga seniors na ang nasa likod ng hindi pantay na pagtingin sa kanila at sa nakababatang motorista ay ang “free vehicle parking ordinance” ng Lungsod Quezon.
Sa nasabing lokal na batas, libre ang mga senior citizens sa pagbabayad ng “basic parking rate” na kadalasan umaabot sa tatlong oras.
Magbabayad na ng standard parking rate ang nakatatandang senior paglagpas ng oras na sakop ng “basic parking rate”
Ang popular na ordinansang ito ay inakda ni dating Third District Rep. Allan Reyes noong siya ay kasapi pa lamang ng Sangguniang Panlungsod. Ang kanyang anak na si Konsehal Anton Reyes naman ang nag-akda ng amyenda sa ordinansa upang lalo pa itong maging makatulong sa mga nakatatandang taga-QC.
Eksaktong isang taon na ang nakaraan noong simulan ang congressional inquiry sa mga reklamo ng senior citizens sa kilalang Starbucks coffee shop na nag-anunsyo na limitado lamang sa halaga ng isang inumin at isang pagkain na order ng senior citizen na masasakop ng 20 % diskwento na mandato ng Republic Act 9994.
Matapos ang malawakang protesta ng mga seniors at ang pagbatikos ng mga mambabatas, nagpalabas ng public apology ang Starbucks. Inaalam pa ng SeniorTimes.ph- ang paliwanag ng Ali Mall.