

BALITANG SENIOR
Bakit dapat mag-alaga ng aso ang mga senior citizens

Photo from custodia.com
1/9/24, 7:11 AM
Ni Fae Flores
Parami na ang mga Pilipinong nakadiskubre nito kung kaya’t dumami rin ang mga banyagang breeds ang naglipana na sa bansa.
Subalit kapansin-pansin rin na higit na maraming kabataan ang nag-aalaga ng aso kung ikukumpara sa mga senior citizens. Maraming kadahilanan dito ngunit lutang sa lahat ang pag-aakala ng maraming nakatatanda na mahirap mag-alaga ng pet. Inaakala rin na kumpara sa dalang perwisyo, kakaunti ang maaasahang benepisyo sa pag-aalaga ng aso.
Ngunit ayon sa Forbes Health, may tatlong mahahalagang dahilan ang isang senior citizen upang mag-alaga at magmahal ng pet dog. Alamin natin:
-Physical fitness - Ayon sa pag-aaral nagiging aktibo ang mga nakatatanda na may alagang aso. Kumakain din sila ng may gana at bumubuti ang lebel ng blood sugar nila kumpara sa ka-edad na walang pet.
- Lumilikha ang mga aso ng routine sa pagkain, paglalakad at iba pang pagkilos na nagbibigay ng dahilan pang magkaroon ng masayang layunin sa buhay
-Pinupukaw ng mga pet dogs ang pakiramdam ng pag-iisa at pagkakalayo sa mga mahal sa buhay. Ang mga aso ay nagiging dahilan upang ang amo ay lumabas sa bahay at sa bandang huli ay matutong makihalo sa mga kapitbahay at makapagkaibigan sa iba.
Ayon pa rin sa Forbes, malaki rin ang maitutulong ng mga aso upang maipababa ang lebel ng blood pressure at cholestoral ng senior citizen.
Kamakailan inendorso ng American Heart Association ang pag-aalaga ng aso para sa mga nakatatanda. Ayon dito pinabubuti nila ang kalusugan ng puso sapagkat nakababawas ang mga ito ng pisikal at psychological stress ng isang senior.
“Ang mga taong may alagang aso ay may malaking tsansang makaligtas sa atake sa puso kumpara sa mga taong wala nito,” paliwanag AHA.
Nagpayo ang Forbes na bago mag-desisyon kung mag-aalaga ng aso, dapat munang alamin ng senior citizen kung may kakayahan siyang pinansiyal. Kapag batid na na kaya ng bulsa ang pag-aalaga ng aso, dapat maging tapat din sa sarili ang elderly at aminin kung kukulangin siya ng pagtityaga upang magkaroon ng pet dog.
Para sa mga may health issues na tulad ng problema sa paglalakad at pag-balanse, arthritis o nakaratay na sa kama, mahihirapan silang makapag-alaga ng aso.
PAGPILI NG AALAGAAN
Higit nirerekomenda ng mga eksperto na mag-alaga ng maliliit na aso ang mga seniors. Siguro sapat na sa kanila ang asong may timbang na walo hanggang 20 libra. Ang ilan sa mga breed na rekomendado ay ang Bichon frise, Shih tzu, pub, chihuahua, miniature poodles at maltese.
Ang Golden Retriever naman ang pinaka-rekomendado kung kaya pa ng senior citizen na mamuhay kasama ang malaking aso. Matatalino, maamo at masunurin ang breed na ito.
Naglalaro sa 10 hanggang 14 na taon ang haba ng buhay ng mga aso. Umaabot na sila bilang senior pagsapat ng edad na pito. Kadalasan mas mahaba ang buhay ng maliliit na aso kumpara sa mga malalaki.
ASPIN O MONGREL.
Minsan minamaliit ng ilang PIlipino ang mga aspin (asong Pinoy) na kilala rin bilang askal.(asong kalye). Inaakala ng karamihan na ang mga aspin ay hindi sing-bibo o sing-lambing ng mga international breed. Subalit dito nagkakamali ang mga ito.. Matapat at mapagmahal sa mga amo ang mga ordinaryong asong tulad ng aspin.
Ehemplo dito ang sikat na si Kabang na nagligtas sa anak at pamangkin ng among si Rudy Bunggal sa isang aksidente. Matatandaang noong 2011, tinalon nito ang isang rumaragasang motorsiklo upang mailigtas sina Dina, 9 at pinsan nitong si Princes Diansing. Dahil dito napingas ang kalahating bahagi ng mukha ni Kabang. Sa halip na pabayaan na lang patulugin ang aso niya, binuhay ni Bunggal si Kabang bilang pagpapakita ng utang na loob. Noong February 2012, sinimulan ng Amerikanang si Karen Kenggott ang fund raising upang mai-reconstruct ang mukha ni Kabang. Namatay si ang bayaning aso noong Mayo 17, 2021 sa edad na 13,.
Isa rin sa ipinakilala ng news media si Escargot na asong gala mula sa Banawe Rice Terraces. Napamahal si Escargot, na putol ang isang paa, sa mga turista na kanyang inaalalayan upang hindi maligaw sa rice terraces.