top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

SENIOR CARE

Bakit dapat nang tuldukan ang AKAP, AICS, ayon sa lider ng mga senior citizens

11/16/24, 8:31 AM

Ni Samantha Faith Flores

Nanawagan ang pangulo ng isang senior citizens association kay Pangulo Ferdinand Marcos Jr. na tuldukan na ang mga financial assistance programs na pinagsasamantalahan ng mga pulitiko at nagtutulak sa mga Pilipino na umasa sa hingi at magpatuloy ng katamaran.

Tinukoy ni Engr. Ted Toribio, pangulo ng West Kamias Senior Citizens Association sa Quezon City, ang kontrobersyal na Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at ang Assistance for Individuals in Crisis Situation Program na pinondohan ng Kongreso ng PHP26.7 bilyon at PHP19.97 bilyon para sa kasalukuyang taon.

PHP5,000 ang ipinamumudmod para sa AKAP at AICS beneficiaries. Ngunit minsanan lang maaaring makatanggap ng ayuda mula AKAP at pwedeng maka-apat na tanggap ng PHP5,000 kada taon ang mga AICS recipients.

Mga kongresista at ilang mga senador ang namimili ng mapagbibigyan ng tulong.

“Hindi lahat ng nasaad sa batas ay nabibigyan. Kung sino lamang na malapit o bata ng pulitoko o Punong Barangay ang priority. Kaunti lamang ang nakikinabang,” ayon kay Toribio.

Ipinunto ni Toribio na habang malaking pondo ang ginugugol sa AICS at AKAP na umanoy may “political agenda”, kapos naman ang pondo para ipatupad ng kumpleto ang social pension program for indigent senior citizens.

Inamin ng Department of Social Welfare and Development na sa taong 2024, umabot na higit sa 800,000 na hikahos na nakatatanda ang kwalipikado sa social pension ngunit patuloy pa rin nasa waiting list gayong matatapos na ang taon.

“Ang mga Seniors ay siya laging huli at hindi first priority, Marami sa Seniors ang umaasa sa gobyerno pero hindi napapansin. Nasusulyapan lamang hanggang doon lamang,” paglalabas ng sama ng loob ni Toribio.

Diin ng lider ng WKSCA: “Ang lunas ay dapat ilipat ang pondo o budget ng AICS o AKAP at ilagay sa Seniors pension.”

“Nagiging tamad o pala-asa sa ayuda ang mga beneficiaries (ng AKAP at AICS). Hindi ko naman nilalahat pero dumadami ang ayaw ng magtrabaho o magnegosyo at auuwi lamang sa bakarda o pagtambay upang magsaya ang natatanggap na ayuda, sa halip na mapunta sa pamilya,” patuloy ni Toribio.

Sa pag-aaral nito ng 2025 national budget proposal, napuna ng Senate Committee on Finance ang malinaw na diskriminasyon laban sa mga seniors ang paghahati ng pondo ng gobyerno.

Kinokonsidera ng komite na pinangungunahan ni Senator Grace Poe na hindi na pondohan ang AKAP upang maipamahagi sa higit na urgent at mahalagang programa ang pondong matitipid.

“Ang matatanda ay ang mga buhay na bayani na nagbigay tulong sa gobyerno sa mga lumipas na panahon na they are most needed. Kaya dapat lang bigyan ng priority o mahalin,” paliwanag ni Toribio.

Engineer Ted Toribio, Pangulo ng West Kamias Senior Citizens Association

Comments

Share Your ThoughtsBe the first to write a comment.
bottom of page