

BALITANG SENIOR
Pagkamatay ni 95-anyos Gene Hackman at maybahay: “Homicide-suicide”?

Photo from timesofindia.indiatimes.com
2/28/25, 4:47 AM
SANTA FE, New Mexico - Nag-alarma ng paghihinala ang mga imbestigador ukol sa pagkamatay ng popular na Amerikanong aktor Gene Hackman at asawa nitong si Betsy Arakawa bagamat lumalabas na walang palatandaan ng external trauma na nakita sa kanilang mga labi, ayon sa inisyal na ulat ng awtopsiya.
Maingat ngunit lubusan ang takbo ng imbestigasyon habang lumulutang ang hinalang “homicide-suicide” ang nangyari sa mag-asawa.
Natagpuang patay ang mag-asawa sa kanilang tahanan sa Sta. Fe, New Mexico noong MIyerkules (Peb. 26). Kasama sa natagpuang wala nang buhay ay ang isa sa tatlo nilang alagang aso.
“This remains an open investigation,” ayon sa pahayag ng Santa Fe County Sheriff’s Office.
Hinihintay pa ang opisyal na autopsy at toxicology reports ng pagkamatay ni Hackman, 95 at ang 63-anyos na asawa nitong isang classical pianist.
Una nang nagdeklara ang mga imbestigador na walang indikasyon ng foul play sa pangyayari ngunit nagbabago na ang kanilang paniniwala habang unti-unti nilang naipagdirikit ang mga ebidensya sa insidente.
“The circumstances surrounding the death of the two deceased individuals (are indicated) to be suspicious enough in nature to require a thorough search and investigation,’ pahayag ng sheriff’s deputy sa kanyang affidavit sa pag-apply ng search warrant.
Ayon naman kay Sheriff Adan Mendoza, wala pa rin matibay na ebidensya na nagtuturo ng “foul play”. Idinagdag pa niya na matagal nang patay ang mag-asawa.
Sa kanyang pahayag sa isang pulong balitaan, sinabi ni Mendoza: “The autopsy is going to be key, and the toxicology.”
Isang nagpakilalang caretaker ang humingi ng saklolo sa isang 911 call nitong Huwebes nang masilip niya ang tila wala nang buhay na Arakawa sa sahig malapit sa banyo ng tahanan ni Hackman.
Balisang-balisa umano ang maintenance worker sa kanyang nadiskubre, ayon sa 911 call record.
Nang pasukin ng mga pulis, nakita sa malapit sa katawan ni Arakawa ang maraming mga pills. Nakita rin ang bukas na bote ng prescription pills na tila nagpapahiwatig na nahulog ito habang hawak ni Arakawa.
Natagpuan ang aso sa malapit sa cabinet ng kubeta.
Ang bangkay ni Hackman ay nakita rin sa sahig ng isang kuwarto malapit sa kusina.
Hinihinalang bigla ang pagkabagsak ng multi-awarded actor sa lapag.
Sa pahayag ng pamilya ni Hackman, nagpapahiwatig ng lubusang pagkabigla at lungkot ang kaniyang mga anak mga apo na pawang mga babae.
“It is with great sandess that we announce the passing of our father, Gene, Hackman, and his wife, Betsy,” sabi ng pamilya.
Dagdag pa nila: “He was loved and admired by millions around the world for his brilliant acting career,b ut to us he was always just Dad and Grandpa. We will miss him sorely.”