SENIOR CARE
Pagpasa ng Universal Pension Program sa Kongreso moro-moro lamang?
11/20/24, 9:36 AM
Mistula nang moro-moro ang pag-apruba sa Kongreso ng Universal Social Pension para sa lahat ng nakatatandang Pilipino dahil sa patuloy na pagbinbin ng panukalang batas sa Senado.
Ito ay napag-alaman habang naghain naman si Senador Ramon “Bong” Revilla ng Senate Bill 2854 na nagpapanukalang bigyan ang lahat ng senior citizens ng buwanang PHP500 bilang social pension.
Ang bill ni Revilla ay halos kaparehas ng social pension measure na ipinasa ng Kamara noong Mayo, 2024.
Inihain ni Revilla ang SB 2854 noong Oktubre 21 lamang.
Marami sa mga senior citizens ang nagpahayag na ng pangamba na wala nang mangyayari sa Universal Pension program bill sapagkat malapit na rin magtapos ang sesyon ng Kongreso.
Mayroon 27 session days na lamang na nalalabi bago tuluyan nang mag-adjourn ang Kongreso.
Simula nang ipasa ang Universal Pension Program ng Mababang Kabulungan, wala pa rin aksyong isinagawa ang Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development upang simulan ang pag-aaral nito.
Sa ilalim ng tagapangulo ng komite na si Senador Imee Marcos, hindi pa rin naaksyonan ang Universal Pension Program bill na inihain ni Senadora Risa Hontiveros dalawang taon na ang nakakaraan.
“Hindi naman si Senator Imee lang ang dapat sisihin. Ang mga may-akda ng bill sa Kamara ay wala rin ginawang ingay upang itulak man lang sa Senado na aksyunan ang panukala,” sinabi ng isang lider senior citizen sa Maynila.