BALITANG SENIOR
Purchase booklet di na kailangan sa senior medicine discount
12/26/24, 10:53 AM
Magandang pamasko para kina lolo't lola!
Hindi na kailangang magpresenta ng purchase booklet ang mga senior citizen sa botika upang maka-avail ng 20% diskwento, ayon sa Department of Health (DOH).
Inilabas nitong Lunes ng DOH ang Administrative Order (AO) 2024-0017, na inaprubahan ni DOH Secretary Teodoro Herbosa. Nilalaman nito ang mga alituntunin kaugnay ng pagtatanggal ng requirement sa purchase booklet, alinsunod sa Expanded Senior Citizens Act of 2010.
"Senior citizen rin ako. Alam kong mahirap laging magdala ng purchase booklet. Kailangan ng mga nakatatanda ang diskwento sa kanilang mga gamot, at dapat madali nating makuha iyon," ani Herbosa.
"Sa ngalan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., kami sa DOH ay nagbibigay ng regalong ito ng kaginhawahan at mas abot-kayang gamot sa lahat ng ating mga senior citizen," dagdag niya.
Bago nito, kailangang dalhin ng senior citizen ang purchase booklet, kasama ang valid ID at reseta ng doktor, upang makakuha ng diskwento sa mga botika at supermarket.
Nakasanayan na ng mga cashier o pharmacist na i-check ang booklet upang ma-monitor ang discounted purchases, mga biniling devices, pati na rin ang petsa at lokasyon ng mga transaksyon.
Ginagawa ito upang matiyak na hindi lalagpas sa prescribed amount ang mga discounted purchases ng mga senior citizen.
Sa ilalim ng bagong alituntunin, ang mga detalyeng ito ay itatala na mismo sa reseta ng doktor.
Inamyendahan ng bagong AO ang ilang bahagi ng AO 2010-0032 at tinanggal ang mga probisyong nag-aatas ng paggamit ng purchase booklet para magamit ang diskwento sa gamot at medical devices. #