

BALITANG SENIOR
Yumaong Nora Aunor gagawaran ng State necrological services; ililibing sa Libingan ng mga Bayani

4/17/25, 7:14 AM
Ni Samantha Faith Flores
Gagawaran ng pamahalaan ng mataas na karangalan si yumaong National Artist Nora Aunor, kasama ang paglagak ng kanyang mga labi sa Libingan ng mga Bayani.
Ito ay napag-alaman habang nagluluksa ang sektor ng pelikulang Filipino sa pagpanaw ni National Artist Nora Aunor sa edad na 71.
Namatay ang isa sa pinakamahusay na aktres sa bansa habang siya ay sumasailalim sa isang heart procedure isang buwan bago niya ipagdiwang ang ika-72 kaarawan sa darating na Mayo.
Bandang hapon ng Miyerkules (Abril 16) umano lumisan si Nora ngunit ang kanyang pagpanaw ay kinumpirma lamang ng anak na si Ian de Leon sa kanyang Facebook post bandang alas-9 na ng gabi.
Agad nag-isyu ng pahayag ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagsabi ng malaking paghanga sa multi-awarded na si Aunor.
“I join the nation in mourning the passing of our National Artist for Film, Nora Aunor (Nora Cabaltera Villamayor in real life.) Throughout her splendid career that spanned more than 50 years, she was our consummate actress, singer, and film producer,” ayon kay Marcos.
Dinakila naman ni Ian ang kanyang ina bilang the “heart of family” at ang nagbibigay sa kanila ng “unconditional love, strength and warmth.”
Her kindness, wisdom and beautiful spirit touched everyone who knew her. She will be missed beyond words and remembered forever,” sinabi ni Ian sa kanyang post.
Nagbabalak umano na gumawa ng pelikula si Nora kasama ang isa pang mahusay na dramatic actress na si Hilda Koronel.
Bilang national artist, gagawaran si Nora ng State Necrological Services and Funeral na pangungunahan ng National Commission for Culture and the Arts.
Matapos ang maraming taon na nomination bilang national artist, nakamit din ni Nora ang karangalan noong lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo, 2022 ang Proclamation No. 1390.
Bago namatay, nahirang na nominee sa pagka-kongresista si Nora sa ilalim ng People’s Champ Guardians Party.
Kamakailan lamang ay umatras ang Superstar dahil sa payo ng kanyang mga doktor.
“Pinaalalahanan din ako ng aking mga doktor na umiwas sa stressful situation kagaya ng pangangampanya,” paliwanag niya sa isang pahayag noong Marso.
May dalawang taon na rin nilalabanan ni Nora ang kanyang mga nararamdaman na sakit sa puso.
Matatandaan na sa isang interview ni television host Boy Abunda, ikinuwento ni Aunor na tatlong minuto rin siyang wala nang buhay nang itakbo niya ang sarili sa ospital dahil sa hirap sa paghinga.
Bumuti naman ang kanyang lagay matapos na ipasok siya sa intensive care unit ng ospital na kanyang pinuntahan.
Tinawag na phenomenal ang pagsikat ni Nora sa entertainment industry ng magsimula siyang lumaban sa Tawag ng Tanghalan.
Laki sa hirap mula sa isang pamilya sa Iriga, Camarine Sur, naging bantog si Nora bilang isa sa pinakamahusay na aktres at manganganta sa bansa.