

Mga opisyal ng Pasay LGU, iniimbestigagan, kakasuhan sa POGO
%20(1).jpeg)
2/22/25, 10:54 AM
Ni Tracy Cabrera
INTRAMUROS, Maynila — Kasalukuyang iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang posibleng pananagutan ng lokal na pamahalaan ng Pasay City at ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), maaaring makasuhan ang mga ito kapag may kapabayaan o pagkakasangkot ang mga ito sa patuloy na 'guerilla operation ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa lungsod.
Itinanggi man ito ng mga konsehal ng local government unit (LGU) at maging ang alkalde na si Mayor Imelda' Emi' Calixto-Rubiano, may hinalaang may kasabwat ang mga POGO operator upang maglakas-loob sa kanilang iligal na operasyon.
May mga ulat na ginagamit ng mga 'gerilyang' POGO ang ilang ligal na establishment, tulad ng mga business process outsourcing firm at maging mga restawran, bilang front ng kanilang mga scamming activity.
Ayon kay PAOCC spokesperson Winston Casio, kasama nila sa imbestigasyon ng Pasay LGU ang Department of Justice (DoJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa mga pagsalakay sa SA Rivendell sa P. Zamora Street, Zun Yuan Technology sa panulukan ng F.B. Harrison at William streets, Kimberhi Technology at ang pinakahuling maliit na offshore gaming hub sa basement ng Heritage Hotel, na pawang matatagpuan sa Pasay City.
Nilinaw ni Casio na ang pangunahing sinisilip ng mga awtoridad ang kilanlan ang mga nasa likod ng pag-iisyu ng mayor’s permit at business permit sa mga ito.
Isa rin sa binubuong kaso ang criminal liability ng Heritage Hotel, sa pagkukubli ng iligal na offshore gaming, kung saan 14 na Pinoy at 6 na Korean national ang nadakip.