

Paksa sa WPS pinasasama sa school curriculum
%20(3).jpeg)
2/20/25, 8:44 AM
Ni Tracy Cabrera
BATASAN, Lungsod Quezon — Nais ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan na magkaroon ng kaalaman ang mga kabataan ukol sa mga usapin sa West Philippine Sea (WPS) kaya hinihiling nito kay Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. na maglabas ng executive order (EO) na mag-aatas sa Department of Education (DepEd) na isama ang paksa ukol sa WPS sa school curriculum.
Ito ang naging pananaw ni Akbayan party-list representative Percival 'Perci' Vilar Cendaña at naging kahilingan sa Pangulo makaraang muling muling manghimasok ang isang Chinese naval helicopter sa air space ng ating bansa sa ibabaw ng WPS na naglagay sa panganib sa mga sakay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) aircraft na nagpapatrolya sa bahaging ito ng teritoryo ng Pilipinas.
“At a time when China’s aggression is no longer limited to our seas and skies, and is further worsened by the prevalence of fake news and disinformation on social media, the government must proactively push back with education. Mahalaga na ituro ang kasaysayan at geography ng West Philippine Sea,” ayon sa grupo ng mga mambabatas.
Hindi na umano kailangang magpasa ng panukalang batas para maituro agad sa mga kabataang Pilipino ang kasaysayan ng WPS na pilit na inaangkin ng China, dahil maaari umano itong idaan sa isang EO lamang mula sa Pangulo.
Mas kailangang aniya ito dahil maraming traydor na Pilipino na sa halip ipagtanggol ang soberenya ng Pilipinas laban sa China ay sila pa ang nagpapakalat pa ng mga fake news at kumakampi sa pamahalaan sa Beijing na nagnanais sakupin ang ating teritoryo.
Samantala, ikinatuwa naman ng isang administration congressman ang resulta ng OCTA survey na bumabatikos sa mga Duterte dahil sa koneksyon umano ng mga ito sa China.
Base sa survey na isinagawa noong Enero 25 hanggang 31, 36 na porsyento ng mga Pilipino ang sumusuporta kay Pangulong Marcos Jr. habang 18 porsyento lang ang kampi sa mga Duterte.
“This survey confirms that Filipinos are firmly standing with Team Pilipinas—rejecting leaders who have compromised the nation for China—whether by surrendering our rights in the West Philippine Sea or enabling the unchecked rise of Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) that are controlled by Chinese interests,” idiniin ni House Deputy Majority Leader Francisco Paolo Ortega ng Unang Distrito ng La Union.