

BALITANG SENIOR
Malamig na klima sa Netherlands maaaring makapagpapalala ng kalusugan ni Duterte

3/12/25, 12:37 PM
Ni Samantha Faith Flores
Bukod sa kasong hinaharap at pagkakakulong, ang malamig na klima sa The Hague ang makapagpapahina sa kalusugan ni 79-anyos na dating Pangulong Rodrigo Duterte na inaresto ng mga awtoridad at ipinadala sa Netherlands nitong Martes (March 11).
Ang mga kadahilanang ito ang nagtulak kay Bise Presidente Sara Duterte upang sumunod agad sa ama sa The Hague kung saan ito lilitisin sa kasong crimes against humanity sa harap ng International Criminal Court.
Si VP Sara na anak ng dating pangulo ay siyang makikipag-ugnayan sa legal team ng ama na kasalukuyang itinatayo.
Lumipad noong Miyerkules ng umaga patungong Amsterdam, kapitolyo ng Netherlands, ang ikalawang pangulo, halos anim na oras lamang matapos na dalhin ang ama noong gabi ng Martes.
Kinondena nito ang umanong opresyon na ipinatikim sa ama na nahaharap sa kasong may kaugnayan sa pagpatay ng higit sa 30,000 katao dahil sa ilegal na droga.
Subalit hindi lamang ang mabigat na kaso na hinaharap ng ama ang nagbibigay ng matinding pangamba kay VP Sara.
Hindi pa lubusang magaling sa kanyang maraming karamdaman, titiisin ni Duterte ang matinding lamig ng klima sa the Netherlands.
Ang kalusugan ng ama ang lubos na nakapag-aalala kay VP Sara, ayon sa malalapit sa opisyal.
“Mahina na at maraming nararamdaman si Pangulong Duterte na malapit nang maging 80,” sinabi ng source mula sa kampo ng mga Duterte.
Simula Disyembre hanggang Marso ang pinakamalamig na panahon sa Netherlands, ayon sa impormasyon tungkol sa bansa.
Malaki ang posibilidad na ang temperatura sa bansa ay makapagpapalala sa chronic neuromuscular disease na matagal nang iniinda ng dating pangulo.