

BALITANG SENIOR
Non-appearance sa mga transaksyon ipinatupad para sa 30,000 Mangaldan seniors

3/19/25, 8:52 AM
Upang makaiwas sa masamang epekto ng sobrang init ng panahon ang mga senior citizens, ipinatutupad na sa Mangaldan, Pangasinan ang ‘non-appearance” sa pagkuha ng senior citizen’s ID at purchase booklet mula sa Office of the Senior Citizens Affairs.
Bagamat wala pa naman nabibiktima ng heat exhaustion o heat stroke sa mga nakatatandang mamamayan sa Mangaldan, nagpasya ang pamahalaang bayan, sa pamamagitan ng OSCA, na ipatupad ang non-appearance policy upang maiwasan ang anumang makasasama sa mga matatanda.
Tinatayang 30,000 senior citizens ang makikinabang sa polisiyang ito/
Ayon kay OSCA chief Ruben Recide pinapayagan nila na katawanin na lamang ng mga mas batang kamaganak o kaibigan ang mga seniors na nangangailangan ng ID o purchase booklet mula sa kanilang tanggapan.
“Maaari rin ipakuha na lamang sa presidente ng senior citizens association nila ang kanilang pangangailangan,” paliwanag ni Recide.
Ipinaliwanag ni Recide na napagdesisyunan nila ang bagong patakaran sa pagkuha ng ID at purchase booklets dahil ayaw nilang mapahamak ang mga senior citizens na susuong sa matinding init ng panahon upang makakuha ng mga dokumento.
“Hindi mabuti sa kalusugan ng mga nakatatanda ang kasalukuyang mataas na heat index. Maaari itong makaepekto sa kalusugan nila,” sabi ni Recide.
Nagbilin naman ang OSCA chief sa mga seniors na nais na personal na magtungo sa OSCA na agahan na lamang nila ang pagpunta at pagtransaksyon upang hindi na maabutan ng kainitan.