

ENTERTAINMENT
73-anyos Star Wars lead Mark Hamill nahubaran ng pantalon sa BAFTA stage

Photo from news.meaww.com
2/19/25, 7:01 AM
Ginulantang ng Star Wars star at senior citizen Mark Hamill ang maraming celebrities na dumalo sa British Academy for Film and Television Arts awards nang malaglag ang kanyang pantalon habang nasa stage.
Tumayo sa gitna ng entablado ang 73-anyos na aktor upang i-prisinta ang Best Film Award nang bigla itong nakaranas ng hindi inaasahang wardrobe mishap.
Ang gumanap na bidang Luke Skywalker sa Star Wrs ay nagsasalita nang biglang mahubaran ng suot na pantalon hanggang sa kanyang tuhod.
Agad-agad niyang itinaas ang pantalon ngunit hindi naman siya nagpahalata ng pagkahiya sa nangyari.
Hindi naman umano nakita ng lahat ang nangyari sapagkat bahagyang natakpan ng lectern ang view.
Gayunpaman, kumilos agad ang mga mapang-asar na mga troll at gumawa ang mga ito ng mga mapag-insultong posts laban kay Hamill.
Batid ng mga producers ng BAFTA na nakita nina Ariana Grande, Adrien Brody at Timothee Chalamet ang nakakahiyang tagpo ngunit hindi na nagpakita ng reaksyon ang mga artistang ito.
Pero nakita pa rin sila na nagtitinginan sa isa’t-isa at tila nagtatanungan kung totoo nga ang nakita ng kani-kanilang mga mata.
Suot ni Hamill ang isang black tuxedo na pinarehasan niya ng puting pangloob na polo, itim na butterfly tie at leather shoes.
Ayon sa mga nakakita ng insidente, maaaring walang suot na suspender o sinturon si Hamill nang mga sandaling malaglag ang pantalon.
Itinuloy lamang ni Hamill ang ginampanang papel at binasa ang mga nominado sa Best Film na pinanalunan ng pelikulang “Conclave.”