

LATEST NEWS
Mga unibersidad nagmatigas na ituloy ang paggunita sa EDSA People's Power Revolution
.jpeg)
Ang EDSA People Power na 39 na taon ng nakalipas nang maganap noong Pebrero 25, 2025. (Photo from ABS-CBN News Archives)
2/22/25, 10:46 AM
Ni Tracy Cabrera
BATASAN, Lungsod Quezon — Nagmatigas ang ilang mga paaralan at unibersidad laban sa deklarasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM) na gawing isang ‘working holiday’ na lang mula sa dating regular holiday ang EDSA People Power Revolution sa Martes, Pebrero 25.
Ikinatuwa naman ng grupo ni Kabataan party-list representative Raoul Danniel Manuel ang nasabing desisyon ng mga eskuwelahan na kabilang ang De La Salle University (DLSU), University of Santo Tomas (UST) at University of the Philippines (UP) para ituloy ang paggunita sa ika-39 na anibersaryo ng tinaguriang ‘bloodless revolution’ na nagpatalsik at nagwakas sa paghahari ng mga Marcos sa bansa.
Kaugnay nito, hinamon din ng grupo ng mga mambabatas ang ibang mga paaralan at unibersidad na huwag hayaang maging kabahagi sila sa pagtatangka ni Marcos Jr. na baguhin ang kasaysayan ng bansa at ibaon sa limot ang madilim na panahong pinagdaanan ng sambayanan sa kamay ng ama ni PBBM na si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr.
“To counter historical distortion and to honor the sacrifices of thousands of young Filipino martyrs who fought against the Marcos dictatorship, we shouldn’t stop at bringing back the holiday,” hiling ng grupo ni Manuel sa ibang mga eskuwelahan hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.
Ipinaliwanag ng grupo na ang mga kabataan ngayon ay walang personal na karanasan kaugnay ng EDSA People Power 1 kaya dapat lang na magkaroon sila ng interest at kaalaman sa pangyayaring nagbalik ng demokrasya sa Pilipinas also spat ba dekada na ang nakalipas.
Dahil dito, mas kailangang malaman umano ng mga kabataan, lalo na yaong mga estudyante, ukol sa tunay na mga kaganapan noong Pebrero 25, 1986.
“We need a generation of Filipinos who critically understand the impact, limitations and shortcomings of EDSA People Power. We are not here to glorify blindly but to acknowledge the continuing need for collective action to achieve genuine social change and not just a change in government,” ayon sa grupo.
Samantala, isa sa inaasahang pagkilos sa paggunita ng mapayang rebolusyon ay mga malawakang kilos-protesta na inorganisa para igiit ang paglilitis kay Vice President ‘Inday’ Sara Duterte-Carpio bukod sa paniningil kay Marcos Jr. sa kabiguan nitong tuparin ang kanyang mga pangako, tulad ng pagpapababa sa P20 na presyo ng kada kilo ng bigas at ang hindi mapigilang pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.