

LATEST NEWS
Gobyerno aapela upang mabaligtad ang pagbasura sa extradition ni ex-Rep. Teves

3/21/25, 12:58 PM
Ni Ralph Cedric Rosario
Walang planong sumuko ang pamahalaan sa pagkabigo nitong mapa-extradite si Negros Oriental ex-Rep. Arnolfo Teves Jr. na nahaharap sa mga kasong murder.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro nasorpresa ang administrasyong Marcos sa naging desisyon ng Timor Leste Court of Appeals na ibasura ang petisyon ng Pilipinas na pabalikin si Teves upang malitis sa mga kasong kinahaharap niya.
Si Teves ay nasa bansang kalapit ng Indonesia at lumaban sa petisyon.
Sinabi ni Castro na inihahanda na ng Department of Justice ang apela sa naging desisyon ng korte sa Timor Leste.
“The DOJ ensured all necessary documents and evidence were provided, including proof that the death penalty is suspended in the Philippines,” diin ni Castro.
Lubos na pinagtakahan ng mga abogado ng pamahalaan kung bakit tumanggi ang Timore Leste appellate court sa petisyon na ipa-extradite si Teves sa gitna ng pagsumite ng Pilipinas ng matitibay na ebidensya at mga dokumento laban sa dating mambabatas.
Ayon kay Castro kinumpirma ni DOJ Assistant Secretary Mico Clavano na hindi nawawalan ng pag-asa ang Pilipinas na mapanagot si Teves sa mga krimeng ipiinararatang sa kanya.
Tinaggihan ng korte sa Timor Leste ang extradition sapagkat nangangamba ito na maaring maharap ang akusado sa “well-founded risk of being subjected to torture, inhumane, degrading or cruel treatment” na labag sa batas ng bansa.
Ipinaliwanag ni Castro na ganoon din ang batas sa PIlipinas at ang mga nasabing pagtrato sa mga naaresto sa krimen ay labag sa Saligang Batas.
“Our administration demonstrated that no such violations would occur. The “DOJ is puzzled by the reversal of the initial court decision that favored extradition,” sabi ni Castro.