

FAITH AND RELIGION
Vatican: Pope Francis 'kritikal' ang kondisyon

2/24/25, 9:58 AM
Nasa kritikal na kondisyon si Pope Francis at kinakailangan na niya ang karagdagang oxygen at blood transfusion habang iniinda ang pneumonia at anemia, ayon sa Vatican.
Sa ulat ng news outlet na KTLA, na-diagnose ng "prolonged asthma-like respiratory crisis" ang 88-taong-gulang na Santo Papa at kinailangang bigyan ng "high-flow oxygen."
"The Holy Father's condition remains critical," ayon sa pahayag ng Vatican. "The Pope is not out of danger."
"The Holy Father remains alert and has spent the day in a chair, though he is suffering more than yesterday. At the moment, the prognosis remains guarded," dagdag pa nito.
Bukod sa karagdagang oxygen, kinailangan din ng Santo Papa ng pagsasalin ng dugo dahil lumabas sa mga pagsusuri na mababa ang bilang ng kanyang platelet kaugnay ng anemia.
Na-admit sa Gemelli hospital sa Rome si Pope Francis noong Pebrero 14 matapos mahirapang huminga dahil sa bronchitis.
Unang natuklasan ng mga doktor ang impeksyon sa respiratory tract ng Santo Papa dahil sa sakit at kalaunan ay nagsimula ang pneumonia sa pareho niyang baga.
Inirekomenda nilang magpahinga si Pope Francis at uminom ito ng kombinasyon ng antibiotics kasama ang karagdagang oxygen kapag kinakailangan.
Nanawagan ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) sa publiko na ipagpatuloy ang panalangin para kay Pope Francis. #