

Olympic medalist Eumir Marcial dinemanda ng misis dahil sa kabit, domestic abuse

Olympic medalist Eumir Marcial dinemanda ng misis dahil sa kabit, domestic abuse
1/11/25, 5:08 AM
Nahaharap ngayon sa kaso si Olympic bronze medalist Eumir Marcial dahil sa umano’y pisikal na pananakit at pagtataksil sa kanyang asawang si Princess.
Sa isang Facebook post noong Biyernes ng gabi, isiniwalat ni Princess na nagsampa siys ng demanda laban kay Eumir sa Office of the City Prosecutor sa Pasay.
Ayon kay Princess, nadiskubre niyang may relasyon si Eumir sa isang kapwa Zamboangueño ilang buwan matapos siyang matalo sa 2024 Paris Olympics.
Kasama aniya noon nang kanyang kapatid at ipinaaresto sina Eumir at umano'y kabit nito at pinakulong nila ang dalawa ng limang araw.
Sa kabila ng pagtutol ng kanyang pamilya, binigyan pa rin ni Princess ng maraming tsansa ang atleta upang maayos ang kanilang pagsasama kaya pinalaya niya ito sa pagpirma sa affidavit of desistance.
"Despite some of my family’s strong disapproval, I still gave Eumir multiple chances to make amends with our marriage, putting into consideration all that we have gone through and the difficult things we have survived as a couple," saad nito. "As his wife, I felt then that I still owe Eumir the responsibility to forgive him."
Sa kabila nito, natuklasan ni Princess na kinuha umano ni Eumir ang kanilang ipon mula sa joint savings account para magpatayo ng bahay sa Zamboanga City, kung saan kasalukuyan na umano siyang nakatira kasama ang sinasabing kabit.
Ayon kay Princess, may mga nakakita raw kay Eumir at sa kabit nito na nakatira sa iisang bahay.
"For these obvious reasons, I had to go on separate ways with Eumir and severed all sources of communication with him after all the trauma, manipulation, emotional stress, physical abuse, and psychological torment that I had to endure these past few months and throughout our years of being together," ani Princess.
Ibinahagi niya raw ito sa social media dahil natatakot siya sa kanyang seguridad lalo pa't nagbanta na raw ito na hindi siya makakakuha ng kahit na ano mula sa kanilang paghihiwalay.
Ipinunto niyang may mga kakilala at kaibigan si Eumir na maaaring impluwensyahan ang takbo ng mga kasong isinampa niya laban sa boksingero.
Wala pang pahayag si Eumir ukol dito.
Nagpakasal sina Eumir at Princess noong 2021 — ang taon din na nanalo si Eumir ng bronze medal sa Tokyo Olympics. #