top of page
  • Facebook
  • X
  • Instagram

SENIOR CITIZENS NEWS OF THE DAY

Social pension beneficiaries, hindi dapat mabahala sa pagsasabatas ng Universal Pension Program - kongresista

3/16/24, 8:48 AM

Napagpasiyahan ng mga mambabatas na patuloy na tatanggap ng PHP1,000 ang mga hikahos na senior citizens kahit na aprubahan ng Kamara ang panukalang batas na Universal Social Pension bill.

Sa hearing na isinagawa ng Committee on Appropriations ng Mababang Kapulungan noong Miyerkules (March 13), nagkasundo ang mga may-akda ng nasabing panukala, mga kasapi ng komite at mga lider ng iba’t-ibang senior citizens associations na hindi gagalawin ang halagang tinatanggap na ng mga kwalipikado na sa kasalukuyang Social Pension Program.

Kasama sa mga pumayag ay sina Reps. Mila Aquino-Magsaysay (United Senior Citizens), Rufus Rodriguez (Cagayan de Oro City); Pepito Alvarez (Palawan); Jose Ma. Zubiri (Bukidnon), Mikaela Angela Suansing (Nueva Ecija); Rodolfo Ordanes (Senior Citizens); France Castro (ACT Teachers Partylist) at Stella Quimbo (Marikina City), na siyang naging presiding officer sa pagdinig.

Una dito napagpasiyahan din ng mga nasabing kongresista na sa halip na P1,000 ang itulak nilang halaga ng benepisyo sa ilalim ng Universal Social Pension bill, ibababa na lang sa P500 kada buwan ang ibigiay sa lahat ng Pilipinong nakatatanda.

Subalit bago pa man aprubahan ng appropriations panel ito, napansin ni Quimbo na malaki ang magiging epekto nito sa mga kasalukuyan nang tumatanggap ng P1,000 monthly social pension sa ilalim ng Social Pension Program.

Napagtanto rin ang nasabing problema ng mga tinawag ng komite para magbigay ng payo tungkol sa panukalang batas.

Ayon kay National Commission of Senior Citizens Chairman Franklin Quijano hindi magiging katanggap-tanggap sa mga pensionado na ang pag-apruba ng bill kung ibababa sa P500 ang kanilang buwanang kikitain.

“Bagamat kailangan ng nakararaming senior citizen ang anumang halagang maibibigay ng pamahalaan, ito ay dapat ibigay nang hindi magkakaroon ng hindi magandang epekto sa mga sinasabing indigent senior citizens,” paliwanag naman ni Jorge Banal, pangulo ng Federation of Senior Citizens Associations of the Philippines-NCR.



Dahil sa nasabing problema, nagkaroon ng pagpupulong ang kongresista at nagkasundo na hindi muna aprubahan ang pagbabawas ng PHP500 sa orihinal na PHP1,000 pension.

Sa panukala ni Magsaysay at Quimbo, ipinasa ng komite ang motion na ibalik na muna ang Universal Social Pension program bill sa technical working group upang solusyunan ang naging balakid sa agarang pagpasa ng nasabing bill.

“Inaasahan naman namin na agaran din ibalik ng TWG sa appropriations panel ang bill upang maipasa na agad. Mahalaga ang bawat minutong dumadaan para sa kapakanan ng mga senior citizens sa bansay,” sabi ni Magsaysay.

Sa panukalang batas na inakda nina Magsaysay at Saunsing, ang lahat ng senior citizens ay makatatanggap mula sa pamahalaan ng PHP1,000 kada buwan.

Photo from manilatimes.net

bottom of page