top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

ENTERTAINMENT / SPORTS

'Balota' ni Marian Rivera: Mapangahas, mapanlibak, mapang-usig

Filipina artistic swimmer Georgia Francesca Carmina Sanchez Tan (center). (Photo from the Philippine News Agency)

11/5/24, 4:51 AM

Mapangahas, mapanlibak, at mapang-usig ang pelikulang "Balota" ni Kip Oebanda.

Sa nasabing pelikula, kung saan naiuwi ni Marian Rivera ang Best Actress award mula sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival, inilarawan ni Kip ang isang bayang sadlak sa kahirapan, krimen, at maruming politika. Walang bago o kakaiba sa pelikulang ito; kung ano pa man, ang kalakasan nito ay ang pagsasalamin ng mga kwetong pamilyar sa ating lahat.

Sinusundan ng kwento si Teacher Emmy (Marian), isang gurong itinalaga bilang election inspector sa lokal na presinto sa panahon ng manual voting. Sa gitna ng mainit na labanan para sa pagka-mayor, kinailangan niyang itakbo sa gubat ang ballot box na maaaring makapagpasya ng resulta ng halalan sa pagitan ni Mayor Hidalgo (Mae Paner) at kalabang si Edralin (Gardo Verzosa).

Sa kanyang pagsisikap na protektahan ang ballot box, napilitang lumaban si Teacher Emmy, kahit na umabot pa sa puntong pumatay siya para sa sariling kaligtasan.

Mapangahas na sinalamin ng pelikula ang kawawang katayuan ng bansa sa kamay ng mga may kapangyarihan at salapi. Kasama rito ang sakripisyo ng mga gurong tulad ni Teacher Emmy, na inilalagay sa panganib ang kanilang buhay para sa isang malinis na halalan.

Takaw-atensyon ang pagganap ni Marian bilang Teacher Emmy. Hindi siya nangiming magpagulong-gulong sa mga eksena upang ipakita ang pagpupunyagi ng kanyang karakter.

Mapanlibak ang pelikula sa paraan ng pangungutya nito sa sistema ng halalan. Sa palitan ng mga dayalogo, mababakas ang paghamak sa kawalang-bisa at katiwalian ng eleksyon. Paminsan-minsan, panay pagmumura at matitinding batikos laban sa halalan ang mga dayalogo ng pelikula, hanggang sa punto na hindi na ito makatotohanan. Gayunpaman, taglay nito ang hinaing ng ordinaryong Pilipino sa kasalukuyang sistema ng pamamahala.

Mapang-usig ang pelikulang "Balota" dahil tahasan nitong kinukuwestiyon ang umiiral na kawalan ng hustisya at talamak na katiwalian sa halalan. Sa dulo, ang pelikula ay nag-iiwan ng isang mahalagang tanong para sa mga manonood: May pag-asa pa bang magbago ang kalagayan ng ating bayan, o mananatili na lang tayo sa ganitong kalakaran?

Ipinapaalala ng pelikula na kahit gaano man kadalas ulit-ulitin ang mga hinaing, ang panawagan para sa pagbabago ay nananatiling malakas at makapangyarihan. Sa ganitong paraan, marahil ang pinakamahalagang ambag ng "Balota" sa ating kasalukuyang panahon ay ang pagpanatiling buhay sa ating pag-asa at pagpupunyagi para sa isang mas makatarungang lipunan.

Ipinapalabas pa rin ang "Balota" sa ilang piling sinehan sa bansa.

bottom of page