ENTERTAINMENT / SPORTS
Alamin ang angkop na klasipikasyon ng mga pelikula sa MMFF
12/18/24, 1:00 PM
Inilabas na ng Movie and Television Review and Classification Board ang angkop na klasipikasyon ng sampung pelikulang lalahok sa ika-50 Metro Manila Film Festival na magsisimula sa araw ng Pasko sa Disyembre 25.
Ikatutuwa ng general audiences na pito sa sampung entries ay pelikulang aangkop para sa karamihan ng miyembro ng pamilyang Pilipino.
Nagpasalamat naman si MTRCB Chair Lala Sotto Antonio sa mga nasa likod ng mga pelikulang kalahok ngayong taon.
“Isang pribilehiyo po para sa amin sa MTRCB na makatrabaho ang MMFF para sa pagpapalabas ng mga pelikulang Pilipino ngayong pasko. Ang mga pelikulang ito ay hindi lamang nakakapagpasaya kundi nagpapakita rin ng mayamang kultura at pagkamalikhain natin bilang mga Pilipino,” sabi ni Sotto-Antonio.
Dagdag ni Sotto-Antonio: “Hinihikayat natin ang publiko na suportahan ang ating lokal na pelikula. Ang bawat palabas na ito ay binuo ng mga propesyunal at may pagmamahal. Ang ika-50 edisyon ng MMFF ay sumasalamin sa matatag at pagiging malikhain ng pelikulang Pilipino,” dagdag pa niya.
Tiniyak ng MTRCB na nabigyan ng angkop na klasipikasyon batay sa umiiral na pamantayan ng Ahensiya.
Ang romantic comedy na “My Future You,” ay rated G at angkop para sa lahat ng manonood.
Ang pelikulang pinagbibidahan ni Vice Ganda na “And the Breadwinner is…” at “Green Bones,” na mula sa panulat ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee, ay rated PG.
Ang PG rating ay puwedeng panoorin ng mga batang edad 13 at pababa ngunit kakailanganin kasama nilang manood ang magulang o nakatatanda sa loob ng sinehan.
Rated PG din ang mga pelikulang “Espantaho,” na pinagbibidahan ng mga premyadong aktres na sina Judy Ann Santos at Lorna Tolentino; “Hold Me Close,” mula sa panulat at direksyon ni Jason Paul Laxamana, at pinagbibidahan nina Carlo Aquino at Julia Barretto; ang action-adventure na “The Kingdom,” kasama sina Bossing Vic Sotto at Piolo Pascual; at ang musical na “Isang Himala,” mula sa direksyon ni Pepe Diokno at sa panulat nilang dalawa ni Ricky Lee.
R-13, o para lamang sa edad 13 at pataas, ang horror na “Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital,” dahil sa tema, lenggwahe, at ilang eksena na hindi angkop para sa mga batang edad 13 at pababa.
Ang palabas na “Uninvited,” na pinagbibidahan ni Filipino Star for All Seas0ons Vilma Santos-Recto, Aga Muhlach at Nadine Lustre ay rated R-16 dahil sa matinding tema at maseselang eksena
Ang “Topakk,” o mas kilala bilang “Triggered” sa ibang bansa, ay nagsabmit ng dalawang bersyon at tumanggap ng R-16 at R-18.