

ENTERTAINMENT / SPORTS
Asia’s Queen of Songs Pilita Corrales pumanaw sa edad na 85

4/12/25, 7:39 AM
Sumakabilang buhay nitong Sabado (Abril 12) si Asia’s Queen of Songs Pilita Corrales sa edad na 85.
Kinumpirma sa Instagram post ng kanyang apo na si Janine Gutierrez ang pagpanaw ng beteranang singer-actress.
Hindi naman sinabi ang sanhi ng pagkamatay ni Pilita.
“It is with heavy heart that we announce the passing of our beloved mami and mamita, Pilita Corrales,” ayon sa social media post ni Gutierrez.
Dagdag ng batang artista: “Pilita touoched the lives of many, not only with her songs but also with her kindness and generosity. She will be remembered for her contributions to the entertainment industry, but most of all for her love of live and family.”
Humiling ng dasal para kanyang lola ang apo ni Corrales. Nangako rin siya na magkakaroon pa ng anunsyo ang pamilya tungkol sa lamay at libing ng namatay na celebrity.
Iniwan ni Pilita ang kanyang mga anak na sina Jackie Lou Blanco at Ramon “Monching” Christopher Gutierrez.
Kilala si Corrales sa napakaganda niyang boses at ang pagliyad kapag kumakanta. Siya ang nagpasikat ng mga hit songs na “Kapantay ay Langit”, “Dahil Sa Iyo” at “A Million Thanks To You”.
Nakilala rin ng publiko ang mga kantang Bisaya na “Usahay” at “Matud Nila” dahil kay Pilita. Kasama rin ang “O Maliwanag na Buwan” na Tagalog version ng Ilocano song na “O Naraniag nga Bulan.”
Bukod sa kanyang mga awitin, naging paborito rin ng publiko si Pilita sa kanyang pag-host ng weekly television program “An Evening with Pilita” noong 1960’s.