top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

ENTERTAINMENT / SPORTS

Nadine Lustre di nagpabayad para iendorso party-list ni De Lima

PHOTO COURTESY OF ABS-CBN News

2/25/25, 10:09 AM

Itinanggi ni Nadine Lustre ang mga espekulasyong binayaran siya para iendorso ang Mamamayang Liberal party-list, kung saan ang dating Senadora Leila de Lima ang pangunahing nominado.

Sa isang video message na ipinost ng grupo, ipinahayag ni Nadine ang kanyang pagkadismaya sa mga taong inaabuso ang kanilang kapangyarihan at sa mga opisyal ng gobyerno na hindi maipaliwanag kung saan napupunta ang pera ng bayan.

Doon na nga niya inendorso ang party-list.

Bago lumabas ang mga video ni Nadine, nagbigay ng patikim ang party-list tungkol sa endorsement ng aktres sa pamamagitan ng paggamit ng isa sa kanyang mga kanta, ang “Paligoy-Ligoy,” na ginamit sa kanyang 2014 romantic-comedy film na “Diary ng Panget.”

Sa comments section, sinagot ni Nadine ang mga paratang na binayaran siya para iendorso ang party-list.

“Hindi kailangan ng bayad kung para sa ikabubuti ng bayan. Ang tunay na paglilingkod, hindi binibili,” anang aktres.

Sumagot naman ang party-list sa social media, “Salamat, Madame President! Ang tunay na nagmamahal para sa bayan, naglilingkod kahit na walang bayad.”

Sa isang press conference noong Biyernes, inamin ni De Lima na nahirapan ang Liberal Party sa mga nakaraang eleksyon at malaki ang nabawas sa impluwensya nito sa politika.

Umaasa raw siyang bubuti ang kalagayan ng kanilang partido sa 2025 midterm elections.

''We want to reverse the false narrative that has been used against the party," anang dating mambabatas.

Ayon kay De Lima, plano sana niyang bumalik sa pribadong pagsasagawa ng batas at pagtuturo matapos siyang makalaya noong Nobyembre 2023.

Ngunit nagbago ang kanyang plano nang ma-accredit ang Mamamayang Liberal bilang multi-sectoral arm ng Liberal Party.

Hindi bababa sa 155 na party-list groups na naghahangad na makakuha ng isa sa 63 upuan sa House of Representatives para sa mga party-list representatives sa midterm elections ngayong Mayo. #

bottom of page