

ENTERTAINMENT / SPORTS
Pokwang tinarget na naman ng scammer, nagreklamo sa NBI

2/27/25, 10:45 AM
Humingi ng tulong si Pokwang sa Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) para mahuli ang gumagamit ng address ng bahay niya sa Antipolo para sa isang staycation scam.
Kwento ng actress-host, ginagamit umano ang mga larawan at lokasyon ng kanyang bahay sa Antipolo sa isang pekeng staycation booking na ibinebenta sa social media.
Kahit ilang beses na niyang nilinaw na isa itong scam, marami pa rin ang nabibiktima nito at nagpapa-reserve.
"Magaganda 'yung mga pinopost niya sa account niya. Ikaw naman syempre, 'O! Maganda 'yung review.' Siguro naman maengganyo ka talaga. Pero wala talagang ganoon resort," pahayag ni Pokwang batay sa ulat ng GMA News.
"Minsan sa loob ng isang araw, ang kumakatok na tao rito tatlo hanggang limang biktima," dagdag niya. "May PhP7,000, PhP5,000, PhP10,000. Sa isang linggo, kumikita na siya ng mahigit PhP200,000."
Nanawagan si Pokwang sa lahat ng nabiktima na lumapit sa mga awtoridad upang mahuli ang mga nanloloko.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon, matatandaang nanakawan din ng higit-kumulang P85,000 si Pokwang sa isang e-wallet dahil sa umano'y unauthorized transactions.
Ito pa naman ang kita niya sa pagtitinda ng pagkain sa kanyang fans online.
Matapos mag-post sa social media, tinulungan ng e-wallet si Pokwang na mabawi ang nasabing halaga at nanindigang "isolated" incident ang nangyari. #