

LAW AND ORDER
Bauan, Batangas mayor arestado sa contempt
%20(14).jpeg)
3/27/25, 11:30 AM
BATASAN, Lungsod Quezon — Nasa kustodiya na ng Mababang Kapulungan si Bauan, Batangas mayor Ryanh Dolor matapos itong arestuhin dahil sa arrest warrant mula sa contempt order na inisyu laban sa kanya ng House committee on public accounts.
Ito ang kinumpirma ni House sergeant-at-arms retired Police Major General Napoleon Taas na nasa detention cell na ng Batasan Pambansa si Dolor matapos itong hulihin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong nakaraang Huwebes ng madaling araw (Marso 17, 2025).
Nabatid na galing sa Los Angles, California ang alkalde kaya nang makumpirma na babalik na ito sa Pilipinas ay nakipag-ugnayan na si Taas sa House of Representatives liaison officer, airport police, Criminal Investigation and Detection Office (CIDG) at Bureau of Immigration (BI) upang ipatupad ang arrest order.
Nag-ugat ang arrest order kay Dolor makaraang i-contempt ng nasabing komite na pinamumunuan ni House Minority Leader Joseph Stephen Paduano noong Marso 17 dahil sa paulit-ulit na pagbabalewala ng alkalde sa imbitasyon ng komite.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang komite hinggil sa pagsasapribado ng Bauan Waterworks System (BWS) na pinuna ng Commission on Audit (CoA) dahil ang nanalong kompanya na Aquadata Incorporated ay hindi natugunan isumite ang 'prequalification criteria' para sa bidding process.
Sinabi ni Paduano na sa halip na sumisipot si Dolor ay sadyang hindi ito nagpapakita kaya pinatawan na siya ng contempt dahil imbes na dumalo sa imbestigasyon ng Kamara ay nagsumite ang kanyang tanggapan ng travel authority na nilagdaan umano ni Batangas governor Hermilando Mandanas dahil sa sinasabing 'health reason'.
“Wala man lang mga medical record or anything like that to justify his absence. Medyo halata po na iniiwasan po tayo ni Mayor Dolor,” punto ni Bukidnon congressman Jonathan Keith Flores kaya na-contempt si Dolor.
Si Dolor na 45-anyos pa lamang ay mananatili sa detention center sa Batasan Pambansa hangga’t hindi natatapos ang komite sa kanilang imbestigasyon sa nasabing isyu sa kanyang bayan.