

SENIOR CARE
1,343 seniors sa Central Luzon tumanggap ng cash gifts

3/1/25, 1:48 PM
Ni Samantha Faith Flores
Tumanggap ang 1,343 senior citizens sa Central Luzon ng cash gifts mula sa pamahalaan habang patuloy na pino-proseso ng National Commission of Senior Citizens ang libo-libo pang aplikasyon para sa benepisyo.
Sa simpleng seremonya sa Guagua, Pampanga noong Miyerkules (Peb 26) tinanggap ng mga nakatatandang Filipino na nagdiwang ng kani-kanilang milestone birthdays ang PhP10,000 sangayon sa itinakda ng Republic Act 11982 o Expanded Centenarians Act of 2024.
Ayon sa NCSC ang mga benepisaryo sa payout sa Guagua ay unang batch pa lamang ng mga elderly citizens na tatanggap ng cash gifts.
Ipinaliwanag ng NCSC na ang mga senior citizens na magdiriwang ng kani-kanilang ika-80, 85, 90, 95 na kaarawan ay tatanggap ng PHP10,000 cash gift.
Bukod sa kanila, ang mga centenarians naman o mga taong nagdiwang ng kanilang ika-100 kaarawan ay mabibigyan ng PHP100,000.
Sa Central Luzon, ang pinakamatandang senior citizen na personal na tumanggap ng cash gift ay si Paz Tiongco Telan ng Floridablanca, Pampanga. Siya ay 95 anyos na.
Sa pakikipanayam sa mga media, sinabi ni Telan na gagamitin niya ang perang natanggap upang maitulong sa sinumang nangangailangan ng tulong. Pinasasalamatan niya ang Diyos dahil sa mahabang buhay na kanyang tinanggap.
Ang mga senior citizens na tatanggap ng cash gifts ay ang mga sumusunod: 358 mula sa Nueva Ecija, 343 sa Pampanga, 340 sa Pampanga, 231 sa Tarlac, 35 sa Zambales, 33 at tatlo sa Aurora.
Naglabas ang pamahalaan ng PHP14.2 milyon ;para sa mga birthday celebrators.