

SENIOR CARE
Abang lagay ng mga senior citizen pinuna ng CHR
_edit_14238663789254%20(1).jpg)
3/29/25, 4:22 AM
Ni Tracy Cabrera
BINIGYANG-PANSIN ng Commission on Human Rights (CHR) ang kahalagahan ng pagkilala sa mga senior citizens bilang mga rights holder kaysa mga benepisaryo lamang ng ayuda mula sa gobyerno.
Kasunod ang pahayag na ito ng mga ulat na maraming mga nakatatanda ang nakakaranas ng age discrimination at physical abuse.
Ayon sa CHR, ang sinasabi lagi ay hindi dapat tratuhin ang ating mga senior citizen bilang recipients lang ng palimos at sa halip ay kailangan silang tratuhing may mga karapatang ipinagkaloob ng estado batay sa batas.
Kinatigan iyo ni CHR Commissioner Beda Angeles Epres upang paalalahanan ang lahat na bigyan respeto at tamang pagkilala at pagkalinga sa mga nakatatanda sa ating lipunan.
Ito rin, tinukoy ni Epres, kung bakit nagsasagawa ng taunang diyalogo ang CHR sa mga senior citizen upang magkaroon ng plataporma na kung saan maihahayag ang mga usapin, agam-agam o problema ukol sa kanilang mga pangangailangan at kapakanan.
Ipinaliwanag ni Epres, "(ito'y) dahil sila ay matatanda na nga, minsan nadi-discriminate na sila pagdating sa employment. Pangalawa po ay inadequate iyong social security, lalo na iyong mga hindi nakakakuha ng pension sa SSS or GSIS, na hindi nagkaroon ng regular employment noong kabataan pa nila. Sinasabi din umano ng mga senior citizen na kulang daw iyong naibibigay natin na social pension for indigent senior citizens. Pinunto pa na kulang din ang social pension para sa mga indigent senior citizen upang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Bukod sa mga ito, ang isa pang nakakabahalang isyu ay ang restricted access sa healthcare, partikular na sa mga senior sa malalayong lugar na mahirap puntahan dahil sa kailangan ng trasportasyon.
May problema din ang mga nakatatanda dahil ang pakiramdam nila'y excluded sila sa mga policy-making process na direktang nakakaapekto sa kanila.
Sa panghuling bagay na dapat matugunan ay iyong proteksyon laban sa abuso, karahasan, neglect at abandonment. Ang kadahilanan nito minsan ay unreported ang mga ito dahil masakit man isipin or sabihin, minsan kasi ang mga perpetrator o gumagawa ay mismong miyembero pa ng kanilang pamilya.