

SENIOR CARE
Chinese New Year 2025: Anong dapat mong malaman

1/17/25, 10:19 AM
Ipagdiriwang ang Chinese New Year, kilala rin bilang Lunar New Year o Spring Festival, sa Enero 29, Miyerkules, na magmamarka ng pagsisimula ng Year of the Wooden Snake.
Sumisimbolo ang okasyong ito sa hangaring magkaroon ng bagong simula sa buhay.
Bawat taon, isang partikular na hayop mula sa Chinese Zodiac ang ipinagdiriwang (daga, baka, tigre, kuneho, dragon, ahas, kabayo, kambing, unggoy, tandang, aso, at baboy). Malaki ang kahalagahan ng mga hayop na ito sa kultura at mitolohiya ng mga Chinese at sinasabing kumakatawan sa iba’t ibang personalidad.
Ayon sa Chinese Zodiac, ang mga ipinanganak sa Year of the Wooden Snake ay mahusay sa kanilang pag-iisip ng mga istratehiya at pagsusuri ng mga sitwasyon. Magaling silang makipag-usap kaya't madali silang makahanap ng solusyon sa mga hidwaan.
Ngayong taon, dapat bantayan ng mga taong ipinanganak sa taong ito ang kanilang mga kahinaan tulad ng sobrang pag-iingat na nagdudulot ng pagkaantala sa paggawa ng desisyon.
Year of the Wooden Snake
Sa paniniwala ng mga Chinese, ang Year of the Wooden Snake ngayong 2025 ay sumasagisag ng bagong-simula, karunungan, at intuition.
Dahil pinamumunuan ng elemento ng kahoy ang taong ito, higit pang pinapalakas ang mga katangiang ito na nangangahulugan ng pagkamalikhain, kakayahang umangkop, at personal na pag-unlad.
Sa mitolohiya, ang ahas ay kinikilala bilang simbolo ng pagpapagaling na nagbibigay ng inspirasyon upang magbago mula sa pisikal patungo sa espirituwal na pananaw. Ibig sabihin, dapat na pahalagahan ang panibagong simula sa pamamagitan ng pagkakaroon ng positibong kaisipan araw-araw. Hindi kailangang magmadali o labis na mapagod. Humanap ng tamang tiyempo upang kumilos.
Paano ang tradisyunal na pagdiriwang ng Chinese New Year
1. Salu-salo ng pamilya
Pinaniniwalaan na may mga masusuwerteng pagkain na dapat ihanda tuwing Chinese New Year lalo na sa bisperas. Ilan sa mga ito ay ang isda, dumplings, at bilog na prutas na sumisimbolo ng kasaganaan. Hindi magiging kumpleto ang pagdiriwang na ito kung walang tikoy.
2. Ihanda ang mga palamuti
Kung may panahon ka, dekorasyonan ang inyong tahanan para sa okasyon tulad ng pulang parol, angpao, pati na mga mga simbolo ng dragon, isda, at lion. Makabubuti rin ang paglalagay ng mga bagay na kulay pula na kumakatawan sa suwerte at nagtataboy ng masasamang espiritu at negatibong enerhiya.
3. Magbigay ng mga pulang sobre
Sa paniwala ng mga Chinese, mahalaga ang pamimigay ng pulang sobre (angpao) na naglalaman ng pera sa mga bata at matatandang retirado tuwing Chinese New Year. Ang perang nasa loob ng pulang sobre ay tinatawag na "ya sui qian" na nangangahulugang perang pantaboy sa masasamang espiritu. Bukod sa pulang sobre, ilan pa sa mga karaniwang regalo ay alak, tsaa, prutas, at kendi.
4. Mag-alay ng mga sakripisyo sa mga ninuno
Isa sa mahahalagang tradisyon sa Chinese New Year ay ang pagbibigay-galang sa mga yumao. Bago ang pagdiriwang, maraming Tsino ang bumibisita sa mga puntod ng kanilang mga ninuno at nagdadala ng pagkain. Sa hapag-kainan, naglalagay rin sila ng isang dagdag na baso ng alak bilang simbolo ng paggalang.