SENIOR CARE
DALAW SA SENIOR CITIZEN SA NURSING HOMES, ANO ANG MGA DAPAT TANDAAN
12/7/24, 5:47 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
May payo ang mga ekperto sa mga pamilyang may inilagak sa pag-aaruga ng mga nursing homes: Dalasan ang dalaw at siguraduhin makapagdulot ng saya sa binibisita.
Makararamdam ng pagmamahal at bawas na kalungkutan ang mga senior citizens sa nursing homes kung lagi-lagi silang dadalawin. At sa pagbisita, dapat ipakita ang lubos na pagpapahalaga sa kanila.
Ayon sa mga eksperto sa palliative care sa Amerika, hindi lamang ang halaga ng pagbisita ang dapat bigyan ng tuon. Ipakita dapat ang pagmamahal sa nakatatandang maiiwan sa nursing home.
Ang mga miyembro ng pamilya ay ang tanging koneksyon sa mundo ng mga confined sa nursing homes.
Sinabi ni Dr. Brian D. Madden ng Providence Saint John’s health Center sa California na dapat malaman ng mga kapamilya na ang mga pasyente sa nursing homes ay lagi nang umaasa ng dalaw ng mahal sa buhay.
Kung masyadong abala at kaunti lamang ang panahon sa pagdalaw, makabubuting siguraduhin na ramdam na ramdam ng pasyente ang pagbisita.
Narito ang ilang tips:
-PLANO: Planuhin mabuti ang pagdalaw. Alamin ang direksyon ng nursing home, oras ng pagbisita at regular na iskedyul ng bibisitahin. Siguraduhin wala siyang ibang gagawin sa araw ng pag-bisita.
_SUNDIN ANG ALINTUTUNIN. Sumunod sa mga regulasyon, higit ang health restrictions, ng nursing home. Siguraduhin ang mga dadalhin pasalubong ay akma sa nursing homes at hindi ipinagbabawal
YAKAP NG PAGMAMAHAL. Huwag magmadali. Bigyan ng mahigpit na yakap ang senior citizen at ipamalas ang lubos na pagkagalak sa pagkikita. Kung pahihintulutan ng nursing home, makabubuting ipasyal sa labas ang pasyente habang masayang nagkukumustahan. Maaring maupo lamang sa isang bangko habang naguusap. Maging mapanuri sa kilos, suot at pisikal na kondisyon ng senior. Ipaalam sa nursing home ang obserbasyon.
MGA PASALUBONG AT REGALO. Siguraduhin mga paborito o mga pinahahalagahan niya ang inyong dala dalang pasalubong. Ilan lamangsa maaaring ikonsidera- pagkain, kumot o unan, ear plugs o eye masks, mga komportableng damit at mga litrato niya kasama ang pamilya. Rekomendado rin magsama ng taong makapagpapasaya sa dinadalaw.
PAGKAIN. Katulad ng mga ospital, ang mga nursing homes ay nagsisilbi ng mga pagkain na hindi nagugustuhan ng mga pasyente. Magdala ng pagkain na paborito ng pasyente kung ito ay hindi ipinagbabawal sa kanya.
ANO ANG DAPAT PAGKWENTUHAN. Iwasang masayang ang oras sa pag-uusap na hindi naman interesado ang nakatatandang pasyente. Pagusapan ang mga masasaya at nakakatawang nakaraan. Kung nais nang lumabas ng pasyente at ito ay posible ayon sa mga doktor, sabihin sa kanya ang mga kinakailangan gawin upang makamit ito.. Alamin din kung ano ang reklamo o dahilan kung bakit gusto nang lumabas.
MGA BAGAY NA HINDI DAPAT DALHIN SA PAGBISITA: Mga bagay na kokonsumo ng koryente.
DALAS NG PAGBISITA - Ayon kay Madden kung kaya ng pamilya na bumisita araw-araw, dapat nilang gawin ito. Higit na makakatulong kung madalas ang pagdalaw sa pasyente. Ito ay makapagbawas ng kalungkutan nila.