SENIOR CARE
Higit 4.2 milyong indigent senior citizens, centenarians tumanggap ng tulong pinansyal sa 2024
1/6/25, 5:17 AM
Ni Ralph Cedric Rosario
Umabot sa mahigit 4.2 milyon hikahos na senior citizens at 1,750 indibidwal na nagdiwang ng kanilang ika-100 kaarawan ang nabiyayaan ng malaking tulong pinansyal ng pamahalaan nitong 2024.
Ito ang inanunsyo kamakailan lamang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na handa na rin ipagpatuloy ang programa para sa social pension at centenarian gift giving para sa mga kwalipikadong senior citizens.
Ayon kay DSWD spokesperson Asst. Secretary Irene Dumlao, tumanggang ng buwanang pension ang 4,2801 indigent senior citizens mula Enero hanggang Nobyembre ng nakaraang taon.
“From January to November 2024, a total of 4,268,801 indigent senior citizens received their monthly pension,” sinabi ni Dumlao.
Ang pagpapamudmod ng buwanang PHP 1,000 para sa mga mahihirap at sakitin na senior citizens ay naaayon sa itinatalaga ng Republic Act 11916 o “An Act Increasing the Social Pension of Senior Citizens.”
Ang mga benepisaryo ay tinutukoy ng DSWD ayon sa assessment ng mga social workers ng kagawaran.
Mga hikahos, mahihina o sakiting nakatatandang Pilipino lamang ang maaaring pagkalooban ngPHP1,000 buwanang social pension.
Matagumpay din isinakatuparan ng DSWD ang pagtukoy at pagbigay ng PHP100,000 regalong pang-kaarawan para sa mga super seniors na umabot nasa 100 ang edad.
“We have achieved 99.43 percent of the 1,760 annual target for the centenarian program,” diin ni Dumlao.
Batay sa Republic Act No. 10868 o ang Centenarians Act of 2016 ang lahat ng Pilipinong umabot na sa edad na 100 nasa bansa man o nasa abroad ay tatanggap ng PHP100,000 sa ika-100 kaarawan ng benepisaryo. Tatanggap din ito ng Letter of Felicitation mula sa Pangulo ng Pilipinas.
Samantala, simula naman ngayon Enero, ang implementasyon ng Centenarians Act ay nasa ilalim na ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) batay sa probisyong ng Republic Act 11350 o ang Expanded Senior Citizens Act.